Madali nang gawan ngayon ng paraan para patayin sa anumang palabas ang isang artista. Parang pagkukukot na lang ‘yun ng butong-pakwan ngayon. Mabilis na nagagawan ng paraan ng mga sumusulat ng istorya.

Kunwari, pagod na pagod na sa taping ang artista, nawawalan na siya ng panahon para sa kanyang sarili, puwede niyang hilingin sa produksiyon na patayin na lang siya sa kuwento, na agad-agad namang nagagawan ng paraan ng produksiyon.

Kuwento ng isang source na napapailing at natatawa, “Pero may nangyari sa isang male personality, nakiusap siyang patayin na lang siya sa isang ginagawa niyang serye, mag-uumpisa na kasi siya sa isang bagong palabas na mahabang-mahaba ang role niya.

“From start to finish kasi siya sa gagawin niyang serye sa isang network, kaya kailangan niyang makiusap sa kasalukuyan niyang ginagawang programa na tsugihin na lang ang role niya,” unang kuwento ng aming impormante.

Inayos naman ng production ang script, naghanap sila ng paraan para matugunan ang pakiusap ng male personality, natahi ang kuwento.

Patuloy ng aming source, “So, ‘yun na nga ang mangyayari, mamamatay siya sa istorya, tinapos na ang partisipasyon niya sa istorya na ang ganda pa naman.

“Magaling kasing umarte ang male personality, walang problema sa kanya ang direktor, idinidirek niya na ang sarili niya. Take one siya palagi.

“So, kinunan na ang eksenang mamamatay siya. Iniyakan na siya ng mga kasamahan niya sa serye, tsugi na kasi siya! Final na ‘yun, nagpaalam na siya sa palabas,” kuwento uli ng source.

Heto na. Patay na ang male personality sa serye, sinabi niya ‘yun sa tagapamahala naman ng kabilang network, handang-handa na siya sa lock-in taping.

“Nakakaloka! Matatagalan pa palang umpisahan ang serye, marami pang inaayos, hindi pa sila makakapag-umpisa! Mga ilang buwan pa pala ang kailangan niyang hintayin.

“Hinayang na hinayang siyempre ang male personality, kasi nga, nagpapatay na siya sa kabilang serye, ‘yun naman pala, e, hindi pa siya makapag-uumpisa sa bagong palabas!

“Napakinabangan pa sana niya ang panahon, sumusuweldo pa rin sana siya, kundi siya nagpapatay agad! ‘Yun ang kuwento, kaya baka umuwi na lang sa Davao ang male personality dahil sa kanyang panghihinayang!” tawa nang tawang pagtatapos ng aming source.

Ha! Ha! Ha! Ha!

Claudine movie swak sa pandemya

Hindi na masyadong maingay ngayon ang magkapatid na Barretto. Hindi pa sila nagkakasundo-sundo, may kinikimkim pa rin silang sama ng loob sa isa’t isa, pero mukhang nananahimik muna sila dahil sa pandemya.

Nakakahiya nga namang tingnan na sa panahong naghihirap ang buong mundo dahil sa salot na COVID-19 ay mag-aaway-away pa rin sila.

Magiging abala na si Claudine Barretto, tinayaan siya ng produksiyon ng kanyang abogadong si Attorney Ferdie Topacio, bibida siya sa isang pelikulang napapanahon ngayong pandemya.

Kuwento ni Attorney Topacio, “Nakapanghihinayang kasi ang talent ni Claudine. Wala pa ring kupas ang galing niya sa pag-arte. Naisip kong gawin ang movie na ito nu’ng nagkaroon siya ng cameo role sa Mamasapano movie namin.

“Maigsi lang ang role niya, pero ang galing-galing niya. kaming mga nakabantay sa monitor, nagkakatinginan, kasi nga, hindi kumupas ang pag-arte niya,” sabi ng abogado-producer.

Maganda ang ikot ng kuwento, kay Claudine talaga tututok ang istorya, kuwentong-pandemya ang proyekto. Maganda para kay Claudine ang maging abala.

Bukod sa pakikinabangan niya na ang kanyang talento ay makakalimutan niya ang mga depresyon at problemang bumabagabag sa kanya.

Sayang na sayang ang panahon. Sayang ang kanyang kapasidad sa pagganap.

The post Male personality nagpapatay agad sa serye first appeared on Abante Tonite.