Triggered na naman ang netizens dahil sa not guilty plea ni Police Senior Master Sergeant Jonel Nuezca, ang pulis na pumaslang noong December 20, 2020 sa mag-inang Sonya at Frank Anthony Gregorio sa Paniqui, Tarlac.
Trending simula kagabi, January 9, 2020, hanggang ngayong umaga, January 10, ang pangalan ni Nuezca at ang mga topics na related sa not guilty plea niya, gaya ng "ANG KAPAL NG MUKHA MO" at "NOT GUILTY."
Hindi matanggap ng galit na galit na netizens ang nangyari gayong kitang-kita at malinaw na malinaw sa viral video ang pagbaril niya sa mga kaawa-awang biktima.
Pero may karapatan si Nuezca sa not guilty plea nito, sa kabila ng pagkakaroon ng matibay na ebidensiya.
Ito ay ayon mismo kay Atty. Freddie Villamor, ang legal counsel ng pamilya Gregorio.
Aniya, "He is still presumed innocent until proven guilty. Even if meron tayong video na mapapanood sa social media etcetera, they’re not yet to be considered as evidence. Kailangan maiprisinta pa sila sa court para magamit laban sa kanya.
"Ang burden of proof, nasa prosecution.
"Ngayon, let’s say, somewhere along the way, nagkamali kami sa pag-present ng ebidensiya, puwede pa siyang ma-acquit,” ang paliwanag ni Villamor tungkol sa not guilty plea ni Nuezca na nahaharap sa double murder case.
Naganap noong Huwebes, January 7, 2021, sa Branch 67 ng Regional Trial Court ng Paniqui, Tarlac, ang unang araw ng arraignment at preliminary conference ng mga kaso ng murder na isinampa ng pamilya Gregorio laban kay Nuezca.
"Binasahan ng demanda yung akusado para sa dalawang kaso, and the accused entered a plea of not guilty.
"Nag-attend naman si Nuezca thru video conference kasi naka-quarantine siya. Sa February 4 ang next hearing namin,” ani Villamor.
Nang kumustahin namin ang mga naulila nina Sonya at Frank, sinabi ni Villamor na iniwanan na ng pamilya ang bahay na pinangyarihan ng krimen.
"Inabandona na nila yung bahay kung saan binaril yung mag-ina dahil siyempre, nalulungkot sila. Na-traumatize sila doon. Naalaala nila yung nangyari, inabandona na nila iyon.
"Kaya lang, pagdating ng hearing, nandoon kami, in-ocular namin yung lugar. Pinuntahan namin, yung kapatid na babae ni Frank, yung sinabunutan [ng anak ni Nuezca], umiyak nang umiyak. Naalala niya lahat. Kawawa naman…” ang kuwento ni Villamor sa eksklusibo na pakikipag-usap sa kanya ng Cabinet Files sa cellphone, ngayong umaga.
Personal lawyer si Atty. Freddie Villamor ng broadcast journalist na si Raffy Tulfo, na humiling sa kanyang tulungan niya ang pamilya Gregorio sa kaso nito laban kay Nuezca.
Bukod sa pagiging abogado, si Villamor ang CEO ng Promag 300 at si Raffy ang kanyang brand ambassador.
[ArticleReco:{"articles":["155980","156012","156007","156011"], "widget":"Hot Stories"}]
0 Comments