Mga ex ni Alma Moreno na sina Dolphy at Joey Marquez, may special mention sa Pornstar

Hindi lamang ang pangalan ni Senator Lito Lapid ang nabanggit sa isang eksena ng Paglaki Ko Gusto Kong Maging Pornstar.

Napag-usapan rin sina Mang Dolphy at Joey Marquez na kapwa nagkaroon noon ng relasyon kay Alma Moreno.

Nag-umpisa ang streaming ng Pornstar sa VivaMax nitong Biyernes, January 29, 2021.

At isa sa tiyak na pag-uusapan ng mga nakapanood ng pelikula ang special mention kay Mang Dolphy habang nakatingala si Alma sa langit, nakadikit ang kanyang mga palad, at humingi ng tawad sa King of Comedy.

Yumao si Mang Dolphy noong July 2012.

Sina Alma, Rosanna Roces, Ara Mina, at Maui Taylor ang mga bida sa Pornstar, at effortless ang naging pag-arte nila sa harap ng mga kamera dahil ang mga sariling karakter ang kanilang ginampanan.

Natural na natural ang batuhan ng mga linya ng apat na aktres.

At dahil nanggaling sa kanilang mga personal na karanasan ang mga sinasabi nila, mapapansing hindi scripted ang karamihan sa mga eksena.

Maninibago kay Ara ang mga nagbabalak manood ng Pornstar dahil sa kauna-unahang pagkakataon, namutawi mula sa kanyang bibig ang mga salitang itinuturing na malaswa ng mga moralista.

Ang Pornstar ay higit pa sa pagiging sexy-comedy film. Tinalakay rin ng direktor na si Darryl Yap ang malungkot na buhay ng mga sexy stars na ikinumpara niya sa isang litsong baboy.

"Totoo, ang pelikulang ito, gaya ng sinasabi ng mga moralista ay isang kababuyan.

"Sa mga nagdaang linggo, naging pokus ng tanong ng mga reporter sa mga artista ng #Pornstar, ay kung hindi ba sila nasaktan sa linya na 'LAOS NA TAYO.'

"Maiintindihan nating lahat, bakit hindi sila nasaktan sa 'laos' at bakit kahit aminin man natin o hindi, minsan kahit ginagawa na nating lahat para maging tao, hindi pa rin natin kayang makaiwas sa mga pambababoy ng mga tunay na asal-hayop,” paliwanag ni Darryl tungkol sa pagkukumparang ginawa niya sa baboy at sa mga sexy stars.

[ArticleReco:{"articles":["156395","156393","156378","156366"], "widget":"Hot Stories"}]

Post a Comment

0 Comments