Dagsa ang reklamo laban sa investment scam na Coinmax.PH kung saan aabot umano sa libo-libo hanggang milyon ang nakuha sa mga naloko nito.
Sa programang `Asintado’ nina Atty. Claire Castro at Jigo Pistolero sa Abante Radyo Tabloidista, nalantad ang modus ng naturang scam kung saan pinapangako ang dobleng balik ng perang ipupuhunan sa loob lamang ng 15 araw.
Ang unang nagreklamo ay nagpakilalang si Marion, kung saan sumali umano siya sa Coinmax nitong Setyembre sa kasagsagan pa ng pandemya.
Aniya, noong mga unang buwan ay regular pa ang dating ng pera mula sa Coinmax ngunit bandang Nobyembre na-delay na ang payout hanggang sa tuluyan nang mawalang parang bula ang dating ng pera.
Aabot umano sa P170,000 ang kanyang na-invest sa naturang scam, hiwalay pa sa mga nahulog ng kanyang pamilya sa Coinmax.
Nang makausap ang nag-recruit kay Marion na si alyas Neneng, pinangalanan nito si Valerie Tiu bilang head o administrator ng naturang scam.
“Nagtanong naman po kami sa financial manager which is Valerie Tiu po ang pangalan, ang sabi naman po niya sa amin noon social lending ang ginagawa nila,” lahad ni Neneng.
Aniya pa, nag-deactivate na ng social media account si Valerie Tiu, na napag-alaman din nilang poser account lang.
Samantala, giniit naman ni Marion na isa umanong Glen George Bautista, na Pinoy mula sa Singapore, at si Valerie Tiu ay iisa lang.
Nagpaunlak ng panayam si Bautista, kung saan pinaliwanag nito na pati siya’y biktima lamang ng naturang Valerie Tiu.
Sa pamamagitan ni Bautista, lumantad ang isang Luvhe Noble at sinabi nitong kanila nang kilala ang utak ng Coinmax nang i-trace nila kung saan napunta ang pera na nahulog sa investment scheme, ngunit hindi pa ito malalantad.
Nangako naman si Asintado host Atty. Claire Castro na tutulungan niya ang mga complainant para umusad ang reklamo sa National Bureau of Investigation (NBI) laban kay alyas Valerie Tiu.
Samantala, hindi pa natatapos ang pag-usisa sa Coinmax scam ay humarap na si Jessica Ramos, ang umano’y kanang kamay ng utak ng investment scheme.
Inamin ni Jessica sa ‘Asintado’ na siya ay direct hire ni Valerie Tiu, ang sinasabing pasimuno ng naturang scam.
Saad ni Ramos, naengganyo siyang sumali sa Coinmax dahil buntis siya noon at walang income.
“May mga online sites po akong nasasalihan, doon ko po nakita ‘yung profile ni Valerie Tiu,” lahad ni Ramos.
Noong una’y hindi umano niya alam na poser account lang ang gamit ni Valerie, at aniya’y hindi rin niya raw alam ang tunay na pagkakakilanlan nito.
Sa kanyang unang investment sa Coinmax, pinadala niya ang pera sa pamamagitan ng online cash wallet sa isang team leader na nasa Baguio.
Tinanggi muna ni Ramos na ibigay ang pangalan ng naturang team leader.
Nang makausap naman si Marion, ang unang nagreklamo sa naturang scam, giniit nito na si Ramos ay ang kanang kamay ni Marion kung saan naglabas siya ng pruweba na nakatanggap umano ito ng P10,000 kada buwan bilang advisor ni Valerie.
Depensa naman ni Ramos, isang beses lang siyang nakakuha ng P10,000 at hindi umano siya advisor ni Valerie, kundi ng mga ahente.
Aniya pa, dalawa lang silang advisor ng Coinmax, at handa rin siyang ipakita ang conversation nila ni Valerie kung papaano siya naging advisor.
Samantala, sa advisory ng Securities and Exchange Commission (SEC), hindi rehistrado ang Coinmax.Ph para mangolekta ng investment mula sa publiko.
Para sa kumpletong video ng reklamo, bisitahin ang YouTube channel ng Abante Radyo Tabloidista. (Raymark Patriarca)
The post Big time scam! Promotor ng CoinMax tinutugis first appeared on Abante Tonite.
0 Comments