JERRY OLEA
Ayon sa Wikipedia, ang highest-grossing film sa kasaysayan ng Metro Manila ay ang Fantastica (2018) ni Vice Ganda.
Humamig ng PHP596 million ang fantastic comedy na nagtatampok din kina Richard Gutierrez, Jaclyn Jose, Bela Padilla, at Dingdong Dantes, sa direksiyon ni Barry Gonzales.
Kung tama ang aking pagkakatanda, PHP1 billion ang target gross ng MMFF 2019, kung saan top grosser ang Pinoy version ng Miracle in Cell No. 7—na, so far, ay #3 ito sa talaan ng highest grossing films ng MMFF. Hindi adjusted sa inflation ang figures.
Sa Top 7 highest grossing films sa kasaysayan ng MMFF, ito lang Miracle ang hindi nagtampok sa Unkabogable Superstar.
Nag-back out ang entry ni Vice Ganda sa 46th MMFF, ang unang digital edition ng December film fest.
Ang Fan Girl nina Charlie Dizon at Paulo Avelino ang top grosser, at humakot ng major awards.
Pinapalutang ng mga showbiz uzi na mula Disyembre 25, 2020 hanggang Enero 7, 2021 ang kabuuang kita ng sampung official entries ng MMFF 2020 ay... PHP31 million lamang?
GORGY RULA
Nakakapanlumo ang balitang iyan na hindi man lang sumampa sa PHP50 million ang kinita ng sampung pelikulang kalahok sa katatapos lang na digital edition ng Metro Manila Film Festival.
So tama pala ang desisyon ni Vice Ganda at ilan pang umatras na producers, dahil nakikita na nilang mahirap makabawi sa digital. Nakikitang mas gusto pa rin ng mga taong gumastos sa sinehan. Bibili ng ticket ang bawat isa, may budget pa sa snacks at pati pamasahe.
Iba pa rin talaga sa mga tao ang nanonood ka sa mga sinehan, kaya sana, sa mga susunod na film fest, bukas na ang mga sinehan.
Malaki pa ang epekto ng walang awang pamimirata. Keber sila sa mga pakiusap na sana, huwag nang piratahin. Kaya sana, maaksiyunan ng mga nasa awtoridad, partikular ang Optical Media Board, na mahuli ang mga namimirata ng mga pelikula natin at maparusahan sila.
Kailangan talaga ng suporta ng ating gobyerno para makaahun-ahon man lang ang ating movie industry.
NOEL FERRER
Naging abala lang ang pamunuan ng MMDA at MMFF sa pag-aasikaso ng final rites para sa yumaong leader namin na si Chairman Danny Lim, pero tulad ng nakagawian, magbibigay ang MMFF ng report.
Hihintayin rin natin ang panunumpa sa tungkulin ng bagong MMDA chairman na si dating Mandaluyong Mayor Benjamin "Benhur" Abalos Jr.
Ang ama ni Benhur na si Benjamin Abalos Sr. ay dati ring mayor ng Mandaluyong at nagsilbi bilang MMDA chairperson mula Enero 20, 2001 hanggang Hunyo 5, 2002.
[ArticleReco:{"articles":["156017","156019","156018","156012"], "widget":"Hot Stories"}]
0 Comments