Sa pangatlong sunod na taon, No. 1 pick muli ang Terrafirma sa parating na 36th PBA Draft 2021.
Unang pipili ang Dyip sa virtual draft na naka-iskedyul sa March 14.
Noong 2018, dinagit ng Terrafirma si dating NCAA MVP CJ Perez mula Lyceum. Sumunod na taon, si Roosevelt Adams naman ang tinapik ng prangkisa.
Naging Rookie of the Year si Perez sa unang season niya sa liga, sama rin sa PBA Mythical First Team, All-Defensive Team, All-Rookie Team at naging Scoring Champion.
Hindi masyadong napiga ang performance ni Adams sa nakaraang Philippine Cup at napa-exit agad ang Dyip sa Pampanga bubble.
No. 2 pick ang NorthPort, sa 4 at 5 ang NLEX.
Galing Blackwater ang fourth pick ng Road Warriors.
Kukumpletuhin ang first round ng Rain or Shine, Magnolia, Alaska, San Miguel Beermen, Meralco, Phoenix Super LPG, Batang Pier ulit (mula TNT) at Barangay Ginebra San Miguel.
Sa Jan. 27 ang deadline ng submission ng application para sa Season 46 na planong buksan sa April 9.
Wala pang matunog na top pick ngayong taon. (Vladi Eduarte)
The post PBA top pick palaisipan pa first appeared on Abante Tonite.
0 Comments