Dati, kapag pinag uusapan ang mga corrupt na ahensiya ng gobyerno, hindi nawawala sa listahan ang Bureau of Customs, Bureau of Internal Revenue at Department of Public Works and Highways. Sa katunayan, marami sa ating mga kababayan ang gustong makapagtrabaho sa mga nabanggit na opisina. Alam ito ng mga senador at kongresista dahil marami sa kanila ang nagpapa endorso para makapasok sa mga tanggapang ito.
Pero nitong nagdaang taon, tila humahabol sa listahan ang Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth. Nagsimula ito nang pumiyok ang isang dating anti-fraud officer na tinatayang P15 bilyon ang kinurakot umanong pondo sa state insurance firm.
Kaya nang ianunsiyo ng PhilHealth na magtataas sila ng singil sa premium contributions, hindi ito matanggap ng sambayanang Pilipino. Kahit nagsalita na si Pangulong Rodrigo Duterte na nais niyang ipatigil ang taas-singil sa PhilHealth, maituturing na laway pa lamang ito, tanong nyo pa kay Senator Dick Gordon.
Mabuti na lang at agad na kumilos si Senator Grace Poe at inihain ang Senate Bill No. 1968 para masuspinde ang naka iskedyul na 0.5 percent na umento sa premium contribution sa PhilHealth ngayong 2021.
Katuwiran ni Poe, hindi makatao na magtaas ng singil sa PhilHealth contribution dahil nasa gitna tayo ng COVID-19 pandemic. “Especially since there are many irregularities that PhilHealth hasn’t answered for yet,” sabi pa niya
Katuwang ni Sen. Poe sa pagsusulong ng panukala sina Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, Sens. Joel Villanueva, Nancy Binay at Sherwin Gatchalian.
Pangarap ng bawat Pilipino ang universal health care. Pero sa pasaring ni Poe, magiging bangungot ito dahil sa iilang tao na makikinabang habang magdurusa naman ang marami.
Alinsunod sa Republic Act No. 11223 o ang Universal Health Care (UHC) Act, ang premium rate ng PhilHealth members ay itataas dapat ngayong taon sa 3.5 percent ng monthly basic salary mula sa dating 3.0 percent. Magpapatuloy ito kada taon hanggang umabot ng 5 percent pagsapit ng 2025.
Nanindigan naman si Poe sa kahalagahan ng universal healthcare sa bawat Pinoy. “We’re just hitting the pause button for now because we can’t justify taking more from our countrymen and women who have experienced salary cuts already.”
Saludo tayo kay Sen. Poe at sa kanyang Dabarkads, palagi nilang pinagtatanggol ang kapakanan ng uring manggagawa. (END)
The post PhilHealth taas-singil hinarang ni Poe first appeared on Abante Tonite.
0 Comments