Isang magandang balita ang tiyak na ikatutuwa ng mga TaguigueƱos ngayong simula ng 2021: Ating inihahanda ang libreng COVID-19 vaccine para sa lahat ng residente ng lungsod. Kasabay ng pagpaplano para sa bakuna ay patuloy ang mga programa ng lungsod laban sa COVID-19.
Handang gumastos ang City Government of Taguig ng P1 billion para makabili ng COVID-19 vaccine at mabakunahan ang lahat ng mga taga-Taguig. Ito ang pinakamalaking halagang inilaan ng ating lungsod para sa anumang immunization program.
Ang P1 billion COVID-19 vaccine fund ay ating inilaan para sa ating high standard immunization program mula sa pagbili ng mga bakuna at mga kinakailangang gamit, pagtatayo ng mga vaccine station at vaccination demonstration units sa bawat barangay at pagsasanay ng mga mag-aadminister ng bakuna. Layunin ng mga ito na ipakita sa mga TaguigeƱos kung paano magpabakuna at masisiguro ang kanilang kaligtasan.
Patuloy na nakikipag-ugnayan ang Taguig City Government sa National Government sa pagpapatupad ng lungsod ng COVID-19 response programs at sa pagbuo ng isang epektibong vaccination plan. Ating susundin ang protokol: mauunang babakunahan ang mga frontliners at isusunod ang lahat ng ibang TaguigeƱo. Ating tiniyak na may nakahandang pondo ang Taguig para dito.
Kumakausap na ang City Government sa ilang mga vaccine suppliers para matiyak na lahat ng residente sa 28 barangays sa Taguig ay mabibigyan ng libreng bakuna.
Siyempre ay hindi mabubuo ang Taguig COVID-19 vaccine fund kung hindi dahil sa mga taxpayers ng Taguig City. Kaya naman pinapaabot ko ang aking pasasalamat sa kanilang patuloy na pagiging tapat at laging maasahan pagdating sa pagbabayad ng buwis.
Makakatiyak ang mga TaguigeƱos na ang kanilang binabayad na taxes ay nagagastos nang maayos at napupunta sa mga makabuluhang programa. Ito ay para mapaunlad ang lungsod at maging ligtas muli para makalabas ng bahay, makapamasyal at makapagtrabaho.
Bago pa makapaglaan ng vaccine fund ay nakapagpatupad na ang lungsod ng mga programa simula ng nakaraang taon para labanan ang COVID-19. Kasama na rito ang malawakang testing, pagpapatayo ng mega-quarantine facility na may mga Robo-Nurse, Tele-Aral program, pamamahagi ng mga food packs at mga recovery programs para sa business sector.
Ang bunga ng mga pagtutulungan ng bawat isa para makatawid sa pagsubok na dala ng pandemya ay ang magandang record ng Taguig sa pagkakaroon ng isa sa pinakamababang active COVID-19 cases per 100,000 population at pinakamababang kaso ng pagkamatay sa sakit na ito, hindi lamang sa bansa kundi maging sa buong mundo.
Sa aking mga kababayan sa Taguig at maging sa buong bansa: bahagi lamang po ang bakuna sa ating tugon laban sa hamon ng COVID-19. Maging responsable at sumunod tayo sa mga health protocols hindi lamang para sa ating mga sarili, kundi para na rin sa ating mga mahal sa buhay at mga kasama sa komunidad. Kung magkakaisa tayo, kakayanin natin anuman ang dumating pang hamon na dala ng COVID-19.
The post Taguig, handang gumastos hanggang 1B para sa libreng bakuna first appeared on Abante Tonite.
0 Comments