Kahit matagal nang hindi nagkakausap at hindi nagkikita ang mag-amang Rey at Carla Abellana, mapalad pa rin ang veteran actor dahil hindi sila estranghero sa isa’t isa ng kanyang anak.
Hindi hamak na mas malungkot ang buhay ni Jojo Abellana, ang nakababatang kapatid ni Rey, dahil tatlong taon na silang hindi nagkikita ng kanyang tatlong anak—isang babae at dalawang lalake na may mga edad na 16, 14, at 10.
Wala raw magawa si Jojo kundi ang umiyak na lamang sa tuwing nakararamdam ng pangungulila sa mga anak na inilayo umano sa kanya ng ex-wife niya.
"Three years nang hindi ko sila nakikita at mga two years ko na silang hindi nakakausap.
"Dinala sila sa Japan dahil gusto ng ex-wife ko na doon sila mag-aral at manirahan," pagtatapat ni Jojo sa Cabinet Files tungkol sa malungkot na kuwento ng buhay niya.
Humantong sa hiwalayan ang pagsasama nila ng kanyang asawa.
"Mahabang istorya, siguro marami lang kaming hindi pagkakaintindihan sa isa’t isa, lalo na nung nawalan ako ng regular work.
"We’ve been together for fifteen years. Una sa lahat, wala naman tao na perpekto.
"Kung meron man akong pagkukulang, e, hindi naman dahilan ‘yon para buwagin o sirain mo ang isang pamilya ng basta-basta.
"Bagkus, dapat kayo mismong mag-asawa ang magtutulungan para sa ikabubuti ng inyong pamilya. Hindi yung iiwan mo sa ere ang kapartner mo dahil lang sa nawalan siya ng trabaho," sabi ni Jojo, na hindi naitago ang sakit ng kalooban dahil sa pang-iiwan sa kanya ng asawa niya.
Kumusta ang relasyon at komunikasyon nila ng kanyang mga anak?
"Naka-blocked ako sa kanilang lahat," sagot ni Jojo.
"Napakasakit na inilayo sa akin ang mga anak ko, at kahit sinong magulang masasaktan nang husto kapag inilayo sa 'yo ang mga anak mo.
"Kahit makausap man lang sila sa telepono, ipinagkait pa sa akin ng nanay nila."
Ang pagdarasal nang taimtim sa Panginoong Diyos ang tanging sandigan daw ngayon ni Jojo, na umaasang darating ang panahon na muli silang magkakasama-sama ng kanyang mga anak.
"Lagi kong ipinagdarasal na palagi silang ligtas, hindi nagkakasakit, maging maayos ang pag-aaral nila at makapag-adjust agad sila sa culture ng Japan.
"At ang pinakaimportante, hindi nila ako makalimutan. Na meron silang ama na laging gumagabay, ipinagdarasal sila, at nagmamahal sa kanila kahit malayo kami sa isa’t isa."
Paglilinaw ni Jojo, "Wala akong planong bawiin sila mula sa nanay nila.
"Ang akin lang, kung kailangan ako ng mga anak, lagi lang akong naririto para sa kanila.
"At kung sakaling mga anak ko mismo ang gustong sumama sa akin, e, bukas ang pinto ko para sa kanila anytime, anywhere, dahil palagi ko silang naaalaala at iniiyakan."
[ArticleReco:{"articles":["156488","156483","156482","156479"], "widget":"Hot Stories"}]
0 Comments