Male personality tinalakan ng direktor

Maraming natutuwa para sa isang kilalang male personality na ngayon ay pinagkakatiwalaan na ng isang malaking network. Bumibida na siya sa mga serye.

Kung babalikan ang kanyang pagsisimula, at kung mahina-hina lang ang kanyang loob, ay baka nu’n pa sumuko ang lalaking personalidad dahil sa kanyang mga naranasan.

Pagbabalik-alaala ng isang source na naging saksi sa kanyang pagsisimula, “Nakakaawa siya nu’n! Kung talakan siya ng direktor, e, talagang kumakagat!

“Kung mahina lang ang loob niya, e, baka bumaklas na siya sa pag-aartista. Matindi ang binyag ng apoy niya, napakasakit, nakakapanghina ng loob!” madiing kuwento ng aming impormante.

Palibhasa’y wala naman siyang karanasan sa pag-arte at kaguwapuhan lang ang bitbit niyang puhunan, ilang beses siyang nagbabakel at hindi niya maibigay ang tamang reaksiyon, kaya nasisigawan siya ni directed by.

“May isang time pa nga na take 7 na siya, pero hindi pa rin niya makuha-kuha ang tamang pag-arte at dialogues, kaya talagang pinagmumura na siya ng director!

“Sabi pa ni direk, ‘Kung naging babae lang ako, e, kanina pa ako inagasan sa kawalan mo ng emotion! Pag-aralan mo ang mga lines mo, isa kang malaking cause of delay!’

“Naku, matindi talaga ang pinagdaanan niya, napapahiya siya sa set, tsina-challenge talaga siya ni direk para matuto siya! Nakakaawa ang male personality na ‘yun nu’ng bagu-bago pa lang siyang nag-aartista!” malungkot pang kuwento ng source.

Pagkalipas ng ilang buwan ay lumipat ang male personality ng ibang bakuran, du’n sila nagkatagpo ng kanyang girlfriend na aktres din, binigyan sila ng serye.

Patuloy ng aming source, “Pero pinag-workshop muna siya ng network, nakarating kasi sa kanila ang kuwento na para siyang tuod kung umarte. Nakatulong naman ‘yun sa kanya.

“Biglang napansin na ang acting niya, meron na siyang emotion, hindi na rin siya nagbabakel sa mga lines niya! Ang maganda sa kanya, e, hindi niya minasama ang ginawa ng direktor sa kanya, pinasalamatan pa nga niya!

“Ngayon, nakikipagsabayan na siya sa pag-arte, mas gumuwapo pa siya dahil meron na siyang star aura, puwede na nga siyang mapagkamalang si Tom Cruise!” tawa nang tawang pagtatapos ng aming source.

Yassi ‘pinilay’ ang Probinsyano

Nasa FPJ’s Ang Probinsiyano pa rin si Yassi Pressman. Kaya nga lang ay patay na siya, pinaglalamayan na lang, wala nang ka-effort-effort ang kanyang pag-arte dahil nakahiga na lang siya sa kabaong.

Hindi madaling magpaalam sa isang programang natutuhan nang mahalin ni Yassi bilang si Alyanna na misis ni Ricardo Dalisay. Limang mahahabang taon ‘yun na regular ang pagkikita-kita nila ng mga kapwa niya artista sa serye.

May matinding lungkot ang pamamaalam ni Yassi, ang ilang buwan nga lang namang shooting ay tumatatak na sa kanyang puso, ang limang taon pa kaya nilang samahan sa Ang Probinsiyano ang magiging madali?

Malaking pilay para sa produksiyon ang pagkawala ni Yassi, gustung-gusto ng manonood ang kanilang tambalan ni Coco Martin, isa ‘yun sa mga naging susi sa tagumpay ng serye.

Pero makatwiran naman ang pamamaalam ni Yassi, marami siyang dapat gawin na nakatengga lang dahil nasa serye ang kanyang focus, du’n pumapasok ang gasgas nang dahilang career move.

Hindi lang si Yassi ang nalulungkot sa kanyang pamamaalam, maging ang kanyang mga kapwa artista at buong staff and crew ay ganu’n din ang nararamdaman, dahil naging mabuting miyembro ng grupo ang magandang dalaga.

“Ako po si Alyanna Arevalo Dalisay, pagkatapos nang limang taon, nagpapaalam.”

The post Male personality tinalakan ng direktor first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments