Politiko tinutulak sa putikan

Talaga palang aligaga na ngayon pa lang ang kampo ng isang pamosong pulitiko na nangangarap ng mas mataas pang posisyon sa darating na halalan.

Kung saan-saan na nagpupuntahan ang kanyang mga tauhan sa ngayon para sa pagwiwisik ng pabango sa pangalan ng pulitiko.

Kuwento ng isang source, “Kung siya lang ang masusunod, e, alam niya naman na hilaw pa siya para kumandidato sa mas mataas na position, pero ang dami-dami kasing members ng Bulong Brigade sa tabi niya!

“ ‘Yun ang mga taong wala nang ginawa kundi ang bulungan siya nang bulungan na siya ang gustong tumakbo ng mga kababayan natin sa mas mataas na posisyon,” unang sultada ng aming impormante.

Maraming nagkokomento na kapag itinuloy ng kilalang-kilalang pulitiko ang pagtakbo ay siguradong mata lang niya ang walang latay. Puro pamba-bash ang matitikman niya.

Patuloy ng aming source, “Naku, sa panahong ito na grabe ang pamba-bash sa mga kilalang personalidad? Nakakaawa naman siya kapag nagkataon, dahil siguradong pakakainin siya nang pinakamapaklang ampalaya ng mga kababayan natin!

“Siguradong makakatikim siya ng pangmemenos sa capacity niya, siguradong uupakan siya nang todo, kukuwestiyunin ang mga nagawa niya!

“Kung gusto niya ng buhay na tahimik, e, huwag na niyang sundin ang bulong ng mga taong magsasadlak lang sa kanya sa putikan! Nakakaawa naman siya!

“Mas magandang hakbang sa kanya ang reelection na lang sa hinahawakan niyang position ngayon, magkasya na lang siya sa upuan niya ngayon, napakasuwerte nga niyang nakakuha ng upuan kahit hindi naman siya deserving!” madiin pang komento ng aming source.

Meron ding nagsasabi na mahilig makinig sa bulong ang kilalang pulitiko, kapag may nagsasabi na sa kanya na mabangung-mabango ang pangalan niya, agaran na siyang naniniwala.

Sabi uli ng aming impormante, “Hindi siya nagka-counter check, pinaniniwalaan niya agad ang ibinubulong sa kanya, kaya kapag nagdesisyon siyang tumakbo sa mas mataas na position sa darating na halalan, e, good luck na lang sa kanya!

“Okey na ang upuan niya ngayon, pak na pak na sa kanya ‘yun, tantanan na ng Bulong Brigade niya na siya ang gusto ng mga Pinoy para sa mas mataas na posisyon sa darating na eleksiyon!” nakataas pa ang kilay na pagtatapos ng aming source.

-o0o-

Sam nagpaka-jologs kay Willie

Nakakaaliw ang Wowowin-Tutok To Win kapag nagko-co-host kay Willie Revillame ang kanyang kaibigan at milyonaryong sponsor na si Sam Verzosa.

Para silang nasa peryahan, masang-masa ang kanilang atake, halakhak nang halakhak si Willie kapag inaangkin na ni Sam ang mikropono.

At kilalang-kilala na ng mga tagasuporta ni Willie si Sam Verzosa, hindi na maitatago ang kanyang pagkakilanlan, bibihira ang bukod na pinagpalang tulad nito na nagpapaka-jologs sa himpapawid.

Kuwento ni Willie, “Nakakatuwa si Sam, nakikipagsabayan siya sa akin at sa mga co-hosts ko, masang-masa na rin ang ginagawa niya. Kapag nag-iimbita na siya sa mga televiewers na magbantay sa telepono nila, e, talagang hindi ko mapigilan ang paghalakhak!

“Nakakatuwa si Sam, kahit alam naman nating sobrang yaman na niya, e, team player siya, nakikisabay siya sa amin!” tawa nang tawang sabi ni Willie.

Sina Sam Verzosa at RS Francisco ang matatagumpay na negosyante sa kilalang produkto ngayon na Luxx White.

Sa pagtutok namin sa Wowowin ay kitang-kita namin ang kaligayahan ni Sam Verzosa kapag nakikilala ito ng kalahok, lalo na kapag kinakanta na ang “Luxx White ba ang gamit mo, kaya ang ganda mo!”

‘Yun ang pinakamasaya nitong aura, sa pamamagitan nga naman ng Tutok To Win ay hindi lang ang kanilang produkto ang nakikilala ng ating mga kababayan, kundi maging ang kanyang pangalan.

“Nagkakasundo kami dahil kahit matagumpay na siyang businessman, e, low key siya. Walang kayabang-yabang si Sam, saka mahal niya ang showbiz!” madiin pang sabi ni Willie Revillame.

The post Politiko tinutulak sa putikan first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments