Diskriminasyon sa child car seat law

HALOS buong linggo simula nang ipatupad ang Republic Act No.11229 o ang Child Safety in Motor Vehicle Act ay hindi na tumigil ang palitan ng mga opinyon dahil sa magkakaibang pananaw ng marami sa ating mga kababayan.

Umuusok ang social media dahil sa hindi mapigilan ang mga netizen na magbigay ng mga positibo at negatibong komento patungkol sa batas na ito na hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin humuhupa.

Sa kabila nang pansamantalang pagsuspinde ng Department of Transportation (DOTr) sa pagpapatupad nito ay patuloy pa rin ang pangungutya sa naturang batas na kung iisipin ay napakaganda naman.

Wala naman ibang layunin ang batas na ito kung hindi ang kaligtasan ng mga bata dahil napakataas ng datos hinggil sa mga batang nasasawi sa vehicular accident hindi lang sa ating bansa kung hindi sa buong daigdig.

Kung motibo at motibo rin lang ang pag-uusapan ay wala tayong negatibong masasabi hinggil dito ngunit tila hindi naayos ng mabuti kung paano ito ilalatag sa publiko na nais nating pasunurin.

Habang pinagpipiyestahan nga ang naturang batas ng media dahil sa kabi-kabilang tanong hinggil dito ay walang humpay din ang paliwanag ng tagapagsalita ng DOTr na kailangan pa umano nilang dagdagan ang kaalaman ng publiko.

Ayon sa kanila, plano umano nilang maglibot sa mga paaralan upang ipaliwanag sa mga mag-aaral at mga magulang ang kahalagahan ng batas na ito, na sana ay isinagawa nila bago pa man ito inulan ng negatibong komento.

Naging ganap na batas kasi ang RA 11229 noon pang 2019 na dapat gumamit ng child restraint systems (CRS) o car child seat ang mga batang 12 anyos pabababa at may taas na 4’11’ pabababa sa loob ng likurang bahagi ng sasakyan.

Ngunit simula nang ipatupad ito noong nakaraang Pebrero 2 ay hindi muna umano manghuhuli sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan ngunit pagkatapos nito ay mahigpit na itong ipatutupad.

Mabigat ang penalty nito na sa unang paglabag ay P1,000, sa ikalawa ay P2,000-P3,000 kabilang na ang paggamit ng hindi tamang CRS at sa ikatlo ay P5,000 at isang taong suspensiyon ng driver’s license.

Kung babasahin ninyo ang nagturang batas ay nakapaloob din dito ang ipinatutupad na standard ng Department of Trade and Industry (DTI) Administrative Order No.20-03 na dapat ang CRS ay ayon sa United Nations Regulations at international standards.

Hindi pa ‘yan, ang DTI ay maglalabas ng mga pasadong brand ng CRS na may sticker ng Philippine Standards (PS) o ng Import Clearance Certificate (ICC) at hindi puwedeng gamitin ang imitasyon lamang at may kaakibat itong sertipikasyon na katunayang dumaan sa inspection department ng DTI.

Huhulihin din ang mga manufacturers at distributors, importers, retailer at sellers na magbibenta ng substandard o expired na CRS at papatawan ng multang P50,000 hanggang P100,000 kabilang na ang mga gagamit ng pekeng certification stickers.

Napakahigpit ng batas na ito na ang tanging layunin ay pawang kaligtasan lamang umano ng mga bata dahil maarami na umano ang mga bansang umiiral ang ganitong batas maliban sa atin.

Kaya lamang ay hindi napag-aralan kung paano isasama sa batas ang mga pampasaherong sasakyan, tulad ng jeepney, bus, school bus, taxi, tricycle at iba pang sasakyan na kahalubilo natin sa kalye.

Kahit ipinagbabawal ay maraming magulang ang matigas ang ulo na iniaangkas sa motorsiklo ang kanilang mga anak at marami ring 12 anyos pabababa ang madalas nakikitang nakasabit sa likuran ng pampasaherong jeepney.

Sana ang lahat ng ito ay matugunan sa muling pagbabalik nang pagpapatupad ng batas na ito upang hindi masabing may deskriminasyon at mga batang de-kotse lamang ang nais iligtas.

The post Diskriminasyon sa child car seat law first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments