Inirekomenda ng panel of prosecutors ng Department of Justice (DOJ) ang pagsasampa ng kaso laban sa pitong pulis Bulacan dahil sa pagkamatay ng anim na inosenteng biktima sa isinagawa ng mga itong gawa-gawang buy-bust operation.
Sa joint resolution nina Senior Assistant State Prosecutors Rodan Parrocha at Wendell Bendoval, at Assistant Prosecutor Arturo Roxas na may petsang Nobyembre 27, 2020, inirekomenda ang pagsasampa ng anim na bilang ng arbitrary detention at anim na bilang ng murder laban sa mga tauhan ng Intelligence Section/City Drug Enforcement Unit ng San Jose del Monte, Bulacan Police Station.
Kabilang sa pinakakasuhan sina P/SSGs. Benjie D. Enconado, Irwin Joy M. Yuson; P/CPLs. Marlon M. Martus, Edmund V. Catubay, Jr., Harvy C. Albino, Herbert L. Hernandez; at Pat. Rusco Virnar A. Madla.
Ang mga pulis ay kinasuhan dahil sa walang basehan at unlawful detention at sa pagpatay sa mga inosenteng biktima na sina Chamberlain S. Domingo, Chadwin D. R. Santos, Edmar S. Aspirin, Richard C. Salgado, Erwin N. Mergal at Jim Joshua Cordero.
Nag-ugat ang pagsasampa ng kaso sa tatlong gawa-gawang buy-bust operations noong Pebrero 14, 15, at 18 noong taong 2020 laban sa mga biktima.
Sinabi ng mga prosecutor na sa katotohanan ay walang isinagawang buy-bust operation laban sa mga biktima.
Base sa mga ebidensiyang isinumite ng National Bureau of Investigation-Death Investigation Division, ang mga biktima ay puwersahang tinangay noong Pebrero 13, 2020 sa Towerville, Brgy. Sto. Cristo, San Jose del Monte.
Ayon sa eye witness, ang mga biktima habang nakadetine ay pawang nakapiring at nakatali pa ang mga kamay.
Samantala, pinawalang-sala ng DOJ sina Major Leo Dela Rosa, P/SSG. Jayson Legaspi, P/CPL. Jay Marc Leoncio, P/CPL. Constante Escalante, Jr., P/CPL. Raymond Bayan, P/CPL. Paul Malgapo, P/CPL. Randy Camitoc, at Pat. Erwin Sabi dahil sa kawalan ng matibay na ebidensya.
Ang criminal informations laban sa pitong pulis Bulacan ay isinampa sa Malolos RTC noong Agosto 25, 2021.
Hinihintay pa ng DOJ ang warrant of arrest mula sa korte laban sa mga naturang pulis. (Juliet de Loza-Cudia)
The post 7 pulis swak sa pekeng buy-bust first appeared on Abante Tonite.
0 Comments