BSP nagbabala vs sindikato ng carnapping

Nagbabala ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa mga bangko na kilalaning mabuti ang kanilang customer, lalo na ang mga kumukuha ng car loan dahil sa umano’y bagong modus ng mga sindikato.

Ayon kay BSP Deputy Governor Chuchi Fonacier, may nauusong raket ang mga sindikato kung saan mangungutang sila para makabili ng mahal na sasakyan gamit ang mga pekeng pangalan. Ang mga sasakyang sakop pa ng mortgage ay binebenta naman sa publiko gamit ang pekeng conduction stickers at mga plaka.

Sabi ni Fonacier, nagbabala na ang Philippine National Police-Highway Patrol Group tungkol sa modus na ito.

Aniya, maaaring gumagamit ng pekeng pangalan at mga palsipikadong dokumento, tulad ng mga ID at employment certificate, ang sindikato para makakuha ng auto loan. Minsan, ginagamit pa nila ang totoong pangalan ng isang tao gamit ang kanyang tunay na address at kompanya ngunit ibang photo ang sinusumite sa bangko.

Paalala ng BSP sa mga bangko at financial institutions na sakop nito na maging masinop sa pagkikilala ng kanilang mga customer at sundin ang Anti Money Laundering Regulations lalo na pagdating sa pagkikilala ng mga tao at pag-verify ng kanilang mga katauhan at pag-monitor sa kanilang mga transaksiyon.

Sabi ni Fonacier, obligado ang mga bangko na i-report sa BSP at sa Anti Money Laundering Council ang kahit anong kaduda-dudang transaksiyon, maliit man o malaki.

Limang modus ang natukoy ng BSP na ginagawa ng mga nagca-carnap na sindikato: ang Rent-Tangay Scheme, Rent-Sangla/Benta Scheme, Assume Balance/Pasalo scheme, Loan accommodator scheme, at Labas Casa scheme. (Eileen Mencias)

The post BSP nagbabala vs sindikato ng carnapping first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments