May lookout pa! Tindera hinalay ng delivery man

Swak sa piitan ang isang delivery man at kasabwat na construction worker na nagsilbing ‘lookout’ habang pinagsasamantalahan ng nauna ang 20-anyos na vendor sa Brgy. Central, Quezon City nitong Sabado ng hatinggabi.

Ang mga suspek ay nakilalang sina John Michael Del Rosario, 30, walang asawa, delivery man, at residente ng BFD Compound, Brgy. Central at kasabwat na si Vinirando Sajor, alyas ‘Tata’, 35, walang asawa, construction worker, at naninirahan sa Everlasting St., Brgy. Central.

Sa report ng KamuningPolice Station 10 ng Quezon City Police District (QCPD), bandang alas-12:31 kamakalawa ng hatinggabi nang maganap ang insidente sa ikalawang palapag ng tahanan ni Sajor sa nasabing barangay.

Batay sa imbestigasyon ni P/Cpl. Anna Tuliao ng Women and Children Protection Desk ng PS 10, natutulog ang biktimang itinago sa pangalang ‘Nene’ nang magising siya dahil sa paghaplos ni Del Rosario sa maseselang bahagi ng kanyang katawan.

Nang magising ang biktima ay puwersahan siyang hinubaran ng damit pang-itaas ng suspek saka pinaghahalikan habang minamanyak ang dibdib niya.

Sa takot ay naitulak ng vendor si Del Rosario at tumakbo pababa ng bahay at laking gulat niya nang makita si Sajor sa ilalim ng hagdan na tila aniya sinisilip at nakabantay sa pangmomolestiya sa kanya ng delivery man.

Agad nagtungo sa himpilan ng pulisya ang vendor at inireklamo ang mga suspek na mabilis namang naaresto.

Inihahanda na ang kasong paglabag sa RA 8353 (rape) laban kina Del Rosario at Sajor. (Dolly B. Cabreza)

The post May lookout pa! Tindera hinalay ng delivery man first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments