Tulak kinalawit sa P3.4M shabu

Pinosasan ang isang drug suspect matapos na bentahan umano ng ilegal na droga ang isang ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isang buy-bust operation na nagresulta rin sa pagkakakumpiska ng may P3.4 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa Pasay City, Sabado ng hapon.

Batay sa report ng PDEA, dakong alas-2:45 kamakalawa ng hapon nang dakpin ng mga awtoridad ang suspek na si Ariel Arties Latorre, 21 sa isang buy-bust na ikinasa sa Taylo St., kanto ng Taft Avenue, Brgy. 55, Zone 7, Pasay City.

Nauna rito, nakatanggap ng tip ang mga tauhan ng PDEA-4A Cavite Provincial Office hinggil sa umano’y ilegal na aktibidad ng suspek.

Kaya sa tulong ng PDEA-NCR Southern District Office at Pasay City Police ay agad nakapagkasa ng buy-bust operation laban sa suspek.

Nang magpositibo ang transaksiyon ay agad nang dinamba ng mga awtoridad si Latorre at binitbit sa piitan para sa pagsasampa ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Sinasabing nakumpiska mula sa suspek ang may 500 gramo ng shabu, bugkos ng boodle money, at isang touchscreen cellphone na pinaniniwalaang ginagamit sa iligal na bentahan. (Dolly B. Cabreza)

The post Tulak kinalawit sa P3.4M shabu first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments