Kelot ninakawan ng ex-BF

Inireklamo ng 43-anyos na hepe ng Human Resources (HR) ng Business Process Outsourcing (BPO) Company ang sinasabing ex-boyfriend niya matapos na pagnakawan umano siya ng mahigit sa halagang P6 milyong alahas, at mga ari-arian sa loob ng condo unit sa Barangay Bagumbayan, Quezon City, Huwebes ng hapon.

Ang biktima ay nakilalang si Darwin Rivers, 43, walang asawa, HR head ng BPO Company at residente ng One Eastwood Avenue Condominium, Eastwood City, Barangay Bagumbayan.

Pinaghahanap pa ang suspek na nakilalang si Samuel Caraos, nasa hustong gulang, at naninirahan sa Taal, Batangas.

Sa inisyal na report ng Eastwood City-Libis Police Station (QCPD PS-12), bandang ala-1:12 kamakalawa ng hapon nang madiskubre ang nakawan sa tirahan ng biktima.

Batay sa imbestigasyon ni Pat. Nestor Ariz ng QCPD PS-12, lumilitaw na si Rivers at Caraos ay nagkaroon ng relasyon at nagsama nang dalawang taon subalit nagkahiwalay nitong Marso 2021.

Bagama’t wala nang relasyon ang dalawa ay nanatili pa rin umanong magkaibigan kaya naman hindi binawi ni Rivers ang spare key at tenant pass sa condominium unit dahil tiwala siya sa dating kinakasama.

Sa nasabing petsa ay umalis umano ang biktima sa condo at iniwan na bukas ang seradura ng pinto bago nagtungo sa SM Marikina upang mag-grocery, subalit pagbalik niya ay bumungad umano sa kanya na magulo ang loob ng inuupahang unit.

Dahil dito ay agad tsinek ng biktima ang kanyang mga gamit at doon ay nadiskubreng nawawala na ang kanyang safety box na naglalaman ng iba’t ibang mga alahas na nagkakahalaga ng mahigit kumulang sa P6 milyon, Apple laptop na nagkakahalaga ng P85,000, at cash money na umaabot sa P30,000.

Agad ini-report ni Rivers sa duty security guard ng condominium ang pangyayari at nang rebyuhin ang CCTV footage, nakitang pumasok sa condo si Caraos sa unit ng biktima, at lumabas na may dalang SM eco bag. (Dolly B. Cabreza)

The post Kelot ninakawan ng ex-BF first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments