Yumao ang isang 14-anyos na lalaki matapos na mabaril habang nasa kritikal na kondisyon ang isa pa sa naganap na riot, kamakalawa ng madaling-araw sa Tondo, Maynila.
Naisugod pa sa Jose R. Reyes Memorial Medical Center ang biktimang si John Mark Molina, alyas ‘Dennis’, out of school youth at residente ng Pasilyo 1 Central Market, Fugoso St., Sta. Cruz, Maynila.
Habang inoobserbahan naman sa nabanggit na pagamutan ang isa pang biktima na si ‘Jomar’, 17, ng Quiricada St., Sta. Cruz.
Inaalam naman ng Manila Police District-homicide section at ng MPD-Police Station 2 ang pagkakakilanlan ng mga sangkot sa riot.
Ayon kay P/Lt. Col. Magno Gallora Jr., Station Commander ng MPD-PS 2, ala-una ng madaling-araw nang sumiklab ang sagupaan ng mga kabataan sa northbound lane ng Jose Abad Santos Avenue sa Tondo.
Nalaman na armado ng baril ang kabilang panig kaya nabigla umano ang panig ng mga biktima nang umalingawngaw ang mga putok ng baril at tamaan sina Molina at Jomar. (Juliet de Loza-Cudia)
The post 14-anyos tigok, 1 pa kritikal sa Tondo riot first appeared on Abante Tonite.
0 Comments