Tatlo ang nasawi matapos araruhin ng isang trailer truck ang dalawang service jeepney na nakatigil sa northbound lane ng SLEX sa Cabuyao, Laguna, Huwebes ng madaling-araw.
Batay sa report ng Regional Highway Patrol Unit-IV A, na-flat ang unang cargo jeep na minamaneho ni Joseph Agdan, residente ng Rosario, Batangas, kaya napahinto ito sa lane 3 ng SLEX bandang alas-2:50 kahapon ng madaling-araw.
Agad namang inasistehan ito ng ka-convoy nitong isa pang jeep na minamaneho ni Limuel Rosales, 31-anyos, na mula rin sa Rosario, Batangas, at tumigil sa shoulder lane sa unahan ng nasiraang jeep.
Subalit dahil nasa gitna, hindi ito agad napansin ng paparating na tractor head trailer truck na minamaneho ni David Caquilala at nasalpok sa hulihang bahagi.
Sa lakas ng impact, naitulak ito papunta sa isang jeep.
Parehong nasugatan ang dalawang driver at kapwa isinugod sa Calamba City Medical Hospital subalit idineklarang dead on arrival si Agdan.
Nasawi rin ang dalawang pahinante ng jeep na sina Marco Rosales at Michael Mendoza.
Samantala, nasa kustodiya ng Calamba City Police si Caquilala at nakatakdang sampahan ng kaso. (Ronilo Dagos)
The post 2 jeep inararo ng trak sa SLEX, 3 dedo first appeared on Abante Tonite.
0 Comments