Ping Lacson naalarma sa Chinese spy video: Alice Guo pinatrabaho sa ISAFP, NICA, NSA

Inalarma ni dating Senador Panfilo “Ping” Lacson ang mga tanggapan ng gobyerno na may kinalaman sa national security para kalkalin ang mga impormasyong nahalukay sa pag-iimbestiga ng quad committee ng Kamara de Representantes tungkol sa pagkatao ni Alice Guo.

Ipinakita kasi sa ikapitong pagdinig ng quad committee noong Biyernes, Setyembre 28, ni Davao Oriental Rep. Cheeno Almario ang isang video documentary ng foreign news outlet na Al Jazeera tungkol sa umano’y Chinese spy na si She Zhijiang.

Sa naturang video, isiniwalat ni She Zhijiang na nagpadala ito ng pera kay Guo Hua Ping, ang sinasabing Chinese name ng sinibak na alkalde ng Bamban, Tarlac, upang pondohan ang pagsabak nito sa politika sa Pilipinas.

Mariing itinanggi ni Guo ang mga isiniwalat ni She Zhijiang laban sa kanya.

Pinuri naman ni Lacson ang quad committee dahil sa mahusay na pag-iimbestiga nito kay Guo.

“Let’s give it to the House of Representatives’ Quad Comm for their excellent investigative work in exposing Guo Hua’ping a.k.a. Alice Guo with yet to be authenticated official(?) documents and statement of a “self-confessed spy” hired by China Ministry of State Security,” komento ni Lacson sa kanyang X post nitong Sabado, Setyembre 28.

Kasabay nito, kinalampag ng dating senador ang Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP), National Intelligence Coordinating Agency (NICA), at ang tanggapan ni National Security Adviser (NSA) Secretary Eduardo Año kaugnay sa mga natuklasan ng quad comm tungkol kay Guo.

Isang netizen naman ang nagsabi na ang Al Jazeera ang naglantad kay Guo at hindi ang quad committee.

“Yes, but finding references is still part of research and investigative work. And I tell you, it’s not easy. Been there, done that,” tugon ni Lacson sa netizen.

Kasalukuyang nakakulong si Guo sa Pasig City Jail Female Dormitory dahil sa kasong qualified human trafficking.

Sinampahan din siya ng isa pang kaso na paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act na hawak naman ng Valenzuela Regional Trial Court.

Kinuwestiyon sa pagdinig ng Kongreso ang tunay na pagkatao ni Guo na pinaghihinalaang isang Chinese national.

The post Ping Lacson naalarma sa Chinese spy video: Alice Guo pinatrabaho sa ISAFP, NICA, NSA first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments