Huli ang siyam katao matapos maaktuhan umano ng mga awtoridad na nag o-online sabong sa public market sa Brgy. Vacunero, Sto. Domingo, Ilocos Sur kamakalawa ng gabi.
Kinilala ng Sto. Domingo Police Station (SDPS) ang mga suspek na sina Raymund Rubina, Jr., 34-anyos; Alex Torda, 48; Julymar Begarin, 38; Joselito Yandok, 31; Erwin Nationales, 30; Jose Tabin, 27; Bryan Pangramuye, 37; Leo Tabusares, 35, at Jericho Tobias, 34, pawang mga residente ng nasabing bayan.
Sa report ng SDPS, bago ang insidente, may nagsumbong na isang concerned citizen na malapit sa Sto. Domingo Public Market kung saan nagsasagawa umano ang siyam ng online sabong, na mahigpit na ipinagbabawal doon.
Pagkatanggap ng report, agad nagsagawa ang SDPS anti-illegal gambling unit ng operasyon at naaktuhan ang mga suspek na naglalaro ng online sabong.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang isang cellphone na gamit nila sa online sabong at P7,465 na bet money.
Nasa kustodiya ngayon ng SDPS ang mga suspek at nahaharap sa kaukulang kaso. (Allan Bergonia)
The post 9 nagsabong sa palengke, kalaboso first appeared on Abante Tonite.
0 Comments