Abu Sayyaf na pumugot sa 2 Canadian timbog

Arestado ang umano’y negotiator ng Abu Sayyaf Group (ASG), na siya umanong responsable sa pamumu­got sa dalawang Canadian national na kidnap victim, sa isinagawang operasyon ng Philippine National Police-Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG).

Ayon kay AKG Director Police Brig. General Rudolph Dimas ka­hapon, nadakip nitong Biyernes ang suspek na si Adzrimar Sali Am­mat, alyas ‘Abu Omar’, 30, residen­te ng Tabu Batu, Maimbung, Sulu.

Base sa ulat, naaresto ang sus­pek dakong alas-4:20 Biyernes ng hapon sa Barangay Kampo Islam, Lower Calarian sa Zamboanga City.

Si Abu Omar ay negotiator umano ng Samal Kidnapping kung saan pinugutan ng ulo ng ASG si John Ridsdel noong Abril 25, 2016, at si Robert Hall noong Hunyo 13, 2016 sa Talipao, Sulu.

Samantala, pinakawalan na­man ng grupo ang Norwegian na­tional na si Kjartan Sekingstad at Pinay na si Maritess Flor noong Hunyo 24, 2016.

Napag-alaman na naganap ang kidnapping sa mga biktima noong Setyembre 21, 2015 sa Holiday Oceanview Resort sa Samal, Davao del Norte.

Dalawa pang kidnap victim na nakiusap, na huwag nang bang­gitin ang kanilang pangalan, ang itinuturo si Abu Omar na kanilang kidnaper.

Isa sa mga ito ay pinakawalan noong Disyembre 2015 habang ang ang isa ay noong Hunyo 2, 2014.

Dinakip ang suspek sa bisa ng warrant of arrest sa kasong kidnap­ping at serious illegal detention na inilabas ni Judge Abdulmoin Pakam ng RTC Branch 5, Bongao, Tawi-Tawi noong Setyembre 2, 2019. (Edwin Balasa)

The post Abu Sayyaf na pumugot sa 2 Canadian timbog first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments