Kinuwestiyon ng mga senador ang Department of Agrarian Reform (DAR) kaugnay ng mga unliquidated fund transfer sa ibang ahensiya ng gobyerno at mga non-government organization (NGO) na nagkakahalaga ng P1.63 bilyon.
“Ang daming unliquidated dito and they were transferred to implementing agencies, NGOs, provincial offices. Carry-over ba ito ng mga dating taon or paano ba ito nangyari?” tanong ni Senador Imee Marcos sa pagdinig sa panukalang budget ng DAR para sa susunod na taon.
Paliwanag naman ni DAR Undersecretary Lucius Malsi, ang P1.63 bilyon unliquidated fund transfer ay mula sa nagdaang mga taon at hindi lang noong 2020.
Subalit giit ni Marcos, noong 2022 lang ay mahigit P100 milyon halaga ng nailipat na pondo ng DAR ang hindi na-liquidate.
Sumingit naman si Senador Cynthia Villar at sinabing dapat magsumite ang DAR ng kanilang unliquidated fund at isa pang report sa kanilang implementing agency.
“Paghiwalayin mo. Ilagay mo kung alin `yong sa DAR at alin ‘yong sa ibang agency para naiintindihan naming…Alin `yong mga unliquidated ng DAR at unliquidated ng other agencies other than DAR,” ani Villar.
Nangako naman si Malsi na isusumite nila ang hiniling na report sa Senado. (Dindo Matining)
The post DAR nasilipan sa lampas P1B lipat-budget first appeared on Abante Tonite.
0 Comments