Ni Nancy Carvajal
Matapos ang ilang taong pagtatago sa Pilipinas ay ite-turnover na sa mga awtoridad sa Australia si Yaacov Amsalem, isang French-Israeli national, na tinuturing na ‘high-value international drug lord and fugitive,’ ayon sa National Bureau of Investigation (NBI).
“Amsalem will be finally turnover to Australian Police after fighting his deportation since the time he was arrested in 2014,” banggit ng NBI source sa Tonite.
Si Amsalem, na tinukoy ng Australian authorities bilang isang ‘high-value drug lord’, ay wanted sa nasabing bansa dahil sa ilang kaso ng iligal na droga, kabilang na ang umano’y pamumuno sa isang drug syndicate.
Ang nasabing French-Israeli national na dineklara ng Interpol bilang isang international fugitive ay nagtatago sa ‘Pinas kasama ang mga dating sundalo bilang kanyang mga bodyguard, pagbabahagi ng source.
Kasama ni Amsalem ang isa niyang bodyguard nang arestuhin siya ng mga ahente ng NBI-Interpol sa isang bar sa Makati City, higit pitong taon na ang nakalilipas.
Sa panahon ng kanyang pagkakadakip ay nagtatago na umano si Amsalem sa Pilipinas nang lampas apat na taon at nakatakdang bumalik sa China kung saan ito nakatira.
“His presence in the country was tipped off by the Australian Police,” dagdag ng NBI source.
Saad pa ng source, isang military reservist ang inaresto sa loob ng NBI compound nang sinubukan nitong magpuslit ng cocaine at marijuana, na nakasiksik sa apat na canister ng potato chips, nang minsan nitong bisitahin si Amsalem.
Tinuro naman ng reservist ang isang mula sa Jewish Shabbat Center sa Makati na inutusan umano siyang magdala ng pagkain kay Amsalem.
The post Puganteng drug lord tsupi sa PH first appeared on Abante Tonite.
0 Comments