Haybol nagliyab sa batchoy

Isang sunog ang sumiklab sa Brgy. Baybay sa bayan ng Makato, Aklan dahil umano sa napabayaang nilulutong batchoy, kahapon ng umaga.

Sa ulat ni SFO1 Henry Ildesa ng Makato Bureau of Fire Protection (BFP), dakong alas-6:00 ng umaga nang sumiklab ang sunog sa bahay ng isang Ben Salem, 70-anyos, sa Sitio Hagakhak, Baybay, Makato.

Mabilis namang nakaresponde ang mga bombero at makalipas ang isa at kalahating oras ay naapula na ang apoy. Wala namang naitalang nasaktan o nasawi sa sunog.

Kuwento ni Salem, bandang alas-2:00 ng madaling-araw nang magluto siya ng batchoy sa kanilang bahay na siyang ibinibenta sa Makato Public Market.

Subalit, nakalimutan niyang patayin ang apoy sa niluluto at umalis silang mag-asawa papuntang palengke.

Nagulat na lamang ang mga kapitbahay na nagliliyab na ang bahay ni Salem kaya humingi na sila ng tulong sa pamatay-sunog. (Edwin Balasa)

The post Haybol nagliyab sa batchoy first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments