Hindi pa man opisyal na nagsisimula ang kampanya para sa presidential elections, mainit na ang bakbakan ng mga kandidato sa pagka-presidente.

Pero ang mga kandidatong nagkakainitan, sila ‘yung mga dating nag-usap na makabuo ng united opposition para pataubin sa 2022 presidential elections ang anak ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Davao City Mayor Sara Duterte o si dating Senador Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.

Mahirap pagkaisahin ang mga kandidato para ipantapat laban kina Mayor Sara at Bongbong. Mayroong silang mga supporter na mabibiyak ang puso kapag umatras ang kanilang manok.

Sa ngayon, nakalalamang si Manila Mayor Isko Moreno na maaaring tumalo sa kandidato ni Pangulong Duterte. Ito ay kung pagbabasehan ang Pulse Asia survey noong September 6-11. Si Isko ang pinakamalapit kay Inday Sara sa nakuhang 13 percent, habang si Vice President Leni Robredo naman ay may single digit na 8 percent.

May mga taong nalulungkot dahil sa simula pa lang daw ng kampanya ng grupo na nananawagan ng pagkakaisa ay halata namang kasado na sa kanilang isipan ang napiling kandidato sa pagka-pangulo.

Sabi nila, hindi matatagumpay ang kanilang taktika dahil imbes na mapag-isa ay madudulot lamang ito ng higit na pagkakawatak-watak ng mga puwersang kontra kay Digong dahil na rin sa mali ang pamamaraan ng panawagan.

Kailangan daw magkaroon ng tunay na pag-uusap ang apat na presidential aspirants at magkasundo sa kung sino sa kanila ang nararapat na piliin bilang nag-iisang ‘standard bearer’ na lalaban sa kandidato ni Digong.

Kung hindi umano magkakasundo at sabay-sabay na sasabak ang apat na tumatakbo sa pagkapangulo, parang nabigyan ng bonus ang manok ni Pangulong Duterte. Bukod sa bet ni Digong, malakas ding kandidato si Bongbong Marcos na may maaasahang balwarteng ‘solid north’ at ang lumalaking popularidad nito sa National Capital Region. May hatak din ito sa Eastern Visayas kung saan nagmula ang inang si Imelda.

Hindi na magugulat ang iba kung magdeklara ng kandidatura si Mayor Sara at tuluyang tumakbo sa pagka-pangulo kapalit ni Senador Bato dela Rosa sa nakatakdang petsa ng tinatatawag na substitution sa Nobyembre 15.

Sabi pa nga ni Cong. Lito Atienza na tatakbong Bise Presidente sa 2022 elections, dapat marunong magsakripisyo si Robredo kung nakita lamang niya na may mas malaking pag-asang manalo sina Isko, Senador Panfilo Lacson at Manny Pacquiao. Ibig sabihin ng panawagan ni Atienza, umatras na lang si Robredo sa presidential race.

Maging ang labor leader na si Leody de Guzman, hindi bilib sa pinaglalaban ni Robredo. Winasak din daw nito ang oposisyon dahil sa mga maling diskarte.

The post Isko kayang pataubin si Sara first appeared on Abante Tonite.