Tinanggap ng beteranong broadcaster na si Raffy Tulfo na maging bahagi ng senatorial lineup ng tambalang Senador Panfilo `Ping’ Lacson at Senate President Vicente `Tito’ Sotto III sa 2022 elections.
Sa isang panayam, kinumpirma ni Tulfo na tinanggap na niya ang alok ni Lacson na magiging guest candidate ng tiket nito, noong Sabado.
“I just did. Noong Saturday tinanggap ko ang offer nung kampo nina Senator Ping Lacson na maging guest candidate nila,” wika ni Tulfo sa panayam sa ANC.
Sa kasalukuyan, nangunguna si Tulfo sa mga survey sa hanay ng mga kumakandidatong senador sa darating na halalan.
Naniniwala ang karamihan na malaki ang bentahe ng pagkakasama ni Tulfo sa alinmang partido dahil sa mahigit 43 milyong subscriber at follower nito sa Facebook, YouTube, Instagram at Twitter.
Samantala, kinumpirma rin ni Tulfo na nililigawan din siya ng iba pang partido subalit hinihimay pa umano niya ang mga ito kung tutugma ang mga adhikain nila sa mga isusulong niyang plataporma.
Nakahanda naman aniya siyang sumapi sa mga ito basta nagkakaisa ang kanilang mga hangarin.
Kabilang umano ang kampo ni Vice President Leni Robredo sa mga nanliligaw kay Tulfo para umanib ito sa kanilang partido.
“Meron nang ginagawang pag-uusap sa pagitan ng grupo ko at grupo ni Vice President Leni Robredo,” sabi ni Tulfo.
Bukod kay Robredo, nakikipag-usap din umano siya sa kampo ni dating senador Ferdinand `Bongbong’ Marcos Jr. at Senador Manny Pacquiao.
Ngunit hindi pa umano niya tinatanggap ang imbitasyon ni Marcos.
“Meron lang mga konting bagay-bagay na mukhang hindi pa muna kayang maging guest candidate ako for one reason or another,” dagdag ni Tulfo.
Ayaw umano ni Tulfo na maapektuhan ang pagiging isang independent candidate niya subalit handa siyang tumanggap ng imbitasyon sa kahit anong partido kung pareho sila ng plataporma. (Mia Billones)
The post Tulfo umanib sa Lacson-Sotto first appeared on Abante Tonite.
0 Comments