Red Cross iraratsada ng COA

Inumpisahan na ng Commission on Audit (COA) ang pag-iimbestiga sa mga pondong inilipat sa Philippine Red Cross ng iba’t ibang sangay ng pamahalaan tulad ng mga national government agency, lokal na pamahalaan at mga korporasyong pag-aari o kontrolado ng pamahalaan.

Base sa isang memorandum na pinirmahan ni COA chairperson Michael Aguinaldo noong Setyembre 23, 2021, inutusan nito ang mga state auditor na isumite ang kanilang audit findings tungkol sa mga subsidy at pondong inilipat sa Red Cross simula Enero 2016 hanggang Setyembre 2021.

Pinasusumite ni Aguinaldo ang audit findings ng mga auditor sa Fraud Audit Office at Special Services Sector ng COA.

Bukod sa audit findings, pinasusumite Rin ni Aguinaldo ang listahan at mga schedule ng paglipat ng mga subsidy at pondo sa Red Cross.

Sa memorandum ni Aguinaldo, sinabi niyang sumulat si Solicitor General Jose Calida sa COA noong Setyembre 16 at hiniling na magsagawa ang komisyon ng special audit and investigation sa mga pondong natanggap ng Red Cross sa lahat ng sangay ng pamahalaan.

Pinag-iinitan ngayon ni Pangulong Rodrigo Duterte si Senador Richard Gordon na chairman ng Blue Ribbon Committee na nagdidiin sa Pharmally Pharmaceutical Corporation na pinaboran umano ng Procurement Service-Department of Budget and Management (PS-DBM) sa pagbili ng mga medical supply para sa COVID-19 pandemic.

Si Gordon ang chairman ng Philippine Red Cross.(Eileen Mencias)

The post Red Cross iraratsada ng COA first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments