
Hindi pa man pormal na nakakapasok sa organisasyon ay sinibak na ni Philippine National Police (PNP) chief General Guillermo Eleazar ang dalawang police trainee matapos akusahan ang mga ito na nanggahasa sa isang babae sa Rodriguez, Rizal.
Kinilala ang dalawang suspek na sina AJ Magsino at Jack Marquez, parehong police trainee ng Rodriguez Municipal Police Station (MPS), Rizal.
Base sa ulat na natanggap ni Eleazar, inimbitahan umano ni Magsino ang kanyang 23-anyos na babaeng textmate na magkita sila. Humantong sila sa isang motel at doon nagtalik.
Matapos ang pagtatalik ay nakatulog ang babae habang si Magsino naman ay lumabas ng kuwarto at pumalit dito si Marquez. Doon ay kinatalik din ng trainee ang natutulog na biktima subalit nang magising ang huli ay pumalag kaya ginahasa umano ni Marquez.
Nakuha namang makatakas at makapagsumbong sa awtoridad ng biktima.
“Nakakulong na ang dalawang police trainees na inakusahan ng rape at sa ngayon ay nahaharap sa kasong administratibo at kriminal,” sambit ng hepe.
“Ipinag-utos ko na agad alisin sa field training program ang dalawang police trainees. Seryoso ang bintang laban sa dalawang ito kaya’t inatasan na natin ang Rizal Provincial Police Office na masusing imbestigahan ang kaso.”
“Kung mapatunayang totoo ang alegasyon, hindi na natin hahayaan pang mapabilang sa hanay ng PNP ang mga ito. Ngayon pa lang ay dapat putulin na ang anumang pagkakataon ng mga ito na makapasok sa PNP at makapang-abuso pa ng kapangyarihan,” dagdag niya. (Edwin Balasa)
The post 2 police trainee sibak sa reklamong rape first appeared on Abante Tonite.
0 Comments