
Nasawi ang isang lola habang sugatan naman ang nakababata niyang kapatid matapos silang pagtatagain ng kanilang kapatid na mayroong diperensya sa pag-iisip, Martes sa Kabankalan City, Negros Occidental.
Nagtamo ng mga taga sa ulo at iba’t ibang bahagi ng katawan si Elisa Tabujara y Nabaja, 72, at namatay habang isinusugod sa Kabankalan District Hospital, habang patuloy na nagpapagaling ang kanyang kapatid na si Herman Nabaja, 55, na nagtamo naman ng taga sa ulo at kaliwang braso nang atakihin sila ng kanilang kapatid na si Estelita Lastimoso y Nabaja, 58, na limang taon na umanong may sakit sa pag-iisip.
Ayon kay Police Lt. Dennis Melgarejo ng Kabankalan City PNP, naganap ang insidente Nobyembre 2 ng umaga habang nakatakdang mag-almusal ang magkakapatid sa kanilang bahay sa Sitio Cadiacap A, Brgy. Tapi sa Kabankalan City.
Bigla na lang umanong nagtungo sa kusina si Estelita na may dalang jungle bolo at pinagtataga ang dalawang kapatid.
Nagtamo ng tatlong taga si Tabujara na dead on arrival sa pagamutan habang si Herman ay ligtas na sa kapahamakan at nagpapagaling.
Ayon sa kaanak ng suspek, ito ang unang pagkakataon na naging bayolente si Estelita.
Dahil mayroong diperensya ay hindi makasuhan ng pulisya ang suspek na nasa pangangalaga na ng kanyang mga anak. (Edwin Balasa)
The post Ginang na may sayad tinaga 2 utol first appeared on Abante Tonite.
0 Comments