Bangkay ng dyowa ni Katrina Velarde bumulaga sa condo

Naaagnas na nang matagpuan ang bangkay ng isang Amerikano na sinasabing isang musical director at mister ng kilalang singer sa loob ng condo unit niya sa Quezon City, Linggo.

Ang biktima ay nakilalang si Michael Adam Shapiro, 58, entertainer at residente ng Unit 3015 Zinnia Tower na matatagpuan sa Brgy. Katipunan, QC. Siya ay asawa ni Katrina Velarde, ang singer na tinaguriang ‘Suklay Diva’.

Sa report ng CIDU-QCPD, alas-2:45 kamakalawa ng hapon nang ma­diskubre ang yumaong katawan ng biktima sa loob ng kanyang condo unit.

Batay sa imbestigasyon, bago ang insidente ay kinausap umano ang biktima ng kanyang misis dahil plano na umano nitong maghain ng annulment dahil sa sakit na depresyon ng lalaki.

Bumalik umano si Velarde sa condo unit nilang mag-asawa upang kunin ang kanyang mga gamit, kasama ang kaibigan na nakilalang si Maria Rosalie, para ilipat sa ibang unit sa nasabi ring tower.

Subalit pagbukas umano ng pinto ng condo ay umalingasaw ang masangsang na amoy sa loob at nang puntahan ng singer ang silid ng mister ay bumungad sa kanya ang nakabigting katawan ng asawa.

Nakasamsam naman ng SOCO team ang safety box na umano’y naglalaman ng suicide note pero hindi idinetalye ang nilalaman ng sulat dahil isasaila­lim pa ito sa imbestigasyon.

Samantala, puwedeng tawagan ang NCMH 24/7 crisis hotlines sa cellphone (0917-899-8727 o 0908-639-2672) o telepono (1553) para sa mga Pinoy na kailangan ng counseling, may kinahaharap na suliranin, o nanganganib mag-suicide. (Dolly ­Cabreza)

The post Bangkay ng dyowa ni Katrina Velarde bumulaga sa condo first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments