Cellphone susi ng NBI sa Jonson case

Hangad ng National Bureau of Investigation (NBI) na makakuha ng isang court order upang masuri ang cellphone ni Bree Jonson, ang yumaong nobya ni Julian Ongpin.

“A court order is needed to open the cellphone of Bree to verify statements given by Osngpin on his late girlfriend,” ayon sa isang source na pamilyar sa imbestigasyon ng NBI hinggil sa pagkamatay ng babaeng artist.

Dagdag ng source, ihahain ang hi­ling sa isang korte sa La Union na may hurisdiksyon sa nasabing kaso.

Bago ito, tinanggihan ng isang korte sa Maynila ang hiling ng NBI na suriin ang nasabing cellphone dahil sa kawalan nila ng hurisdiksyon.

Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng NBI sa sanhi ng pagkamatay ni Jonson, kahit pa may pahayag na si Ongpin na natagpuan nito ang nobya na nakabigti sa shower bar sa tinuluyan nilang kuwarto sa isang resort sa La Union noong Setyembre.

Ayon pa sa anak ni bilyonaryo Roberto Ongpin, nag-suicide si Jonson.

Samantala, binasura na kahapon ng La Union Regional Trial Court ang isinampa ng Department of Justice na kasong possession of illegal drugs laban kay Julian dahil sa hindi umano pagsunod sa rule of chain and custody.

Magugunitang sinabi ng pulisya na natagpuan nila ang 12.6 gramo ng cocaine sa kuwartong inokupa ng magkasintahan. Tinanggi ni Ongpin na siya ang nagmamay-ari ng ilegal na droga.

Base sa imbestigasyon, parehong nagpositibo sa paggamit ng cocaine sina Ongpin at Jonson. (Nancy ­Carvajal/Allan Bergonia)

The post Cellphone susi ng NBI sa Jonson case first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments