Comelec nirendahan mga kampanya online

Inaprubahan ng Commission on Elections (Comelec) na magsagawa ng e-rally at live stream ang mga kandidato sa May 2022 elections sa panahon ng kampanya subalit may mga itinakdang regulasyon para dito.

Sa inilabas na Resolution No. 10730 o Rules and Regulations Implementing Republic Act 9006 (Fair Elections Act), sinabi ng Comelec na ang mga kandidato ay maaaring magsagawa ng political meeting, rally at iba pang katulad na aktibidad para mangampanya online.

Ang mga naturang aktibidad ay hindi umano sakop ng limitasyon sa broadcast advertising.

“Live streaming on the candidates’ social media platforms shall be considered a form of e-rally,” ayon sa Comelec resolution na pinagtibay noong Nobyembre 17.

Subalit kailangang ipaalam lahat ng rally, dapat sundin ang mga health protocol at may nakalagay na araw, oras at lokasyon.

Dapat din isumite ang recording ng e-rally sa Education and Information Department ng Comelec sa loob ng 72 oras matapos na umere ito.

Maaari rin umanong tumanggap ng regalo at game currency ang mga kandidato subalit hindi sila pinapayagan na magbigay ng regalo sa live stream audience, magpalaro para sa kanilang promotion sa mga platform user at live stream audience.

Ayon sa Comelec, ang live streaming ng e-rally ay maaring gawin kada gabi simula Pebrero 8, 2022 sa official social media channels ng Comelec.

Sa pagsisimula ng election period mula Enero 9, 2022 hanggang Hunyo 8, 2022, ang EID ang maglalabas ng schedule ng e-rally time slots.(Juliet de Loza-Cudia)

The post Comelec nirendahan mga kampanya online first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments