Eleazar may malaking maiaambag sa Senado

Nagtapos na ang termino ni General Guillermo Eleazar bilang hepe ng Philippine National Police (PNP) nitong nagdaang Sabado at mainit na pagsaludo ang ating ipinararating. Dahil sa loob lamang ng anim na buwan marami siyang nagawang positibo. Sa napakaigsing panahon, naiangat ni Eleazar ang imahe ng buong kapulisan, naibalik niya ang nawalang tiwala ng sambayanang Pilipino sa mga pulis.

At ngayon, nahaharap na si Eleazar sa panibagong yugto ng kanyang buhay. Kinumpirma na ng retiradong heneral ang kanyang pagtakbo sa Senado. Aniya, tumatakbo siya dahil marami pang reporma ang nais niyang isulong para tuluyang maayos hindi lamang ang PNP kundi ang Armed Forces of the Philippines.

Sa loob ng panahon ng kanyang pagseserbisyo bilang pulis, nakita ni Eleazar na may mga kailangang ayusin sa sistema ng hustisya sa bansa. Nakikita ng retiradong heneral na bilang isang mambabatas ay may malaki siyang magiging kontribusyon para sa ilang kinakailangang reporma. Gusto niyang ayusina ng internal affairs system at kung dapat gawing civilian ito, kung saan dapat ibigay ang jurisdiction sa police clearance, sa LGU ba o sa PNP at marami pang samu’t saring isyu kung saan mapapakinabangan niya ang kanyang karanasan bilang pulis.

Sa mga magtatanong kung may K ba si Eleazar na maging isang senador? Isang matunog na YES ang sagot namin. Kumpara sa ilang naging mambabatas na wala namang sapat na karanasan at wala ring sapat na kaalaman kundi naluklok lamang dahil sa pangalan ng angkan at popularidad, sa aming palagay ay higit namang may karapatan ang retiradong heneral para maging senador.

Mismong si Sen. Panfilo Lacson, na dati ring PNP chief at ngayo’y tumatakbong presidential candidate, ang nagkumpirma na tatakbong senador si Eleazar sa ilalim ng kanilang Partido Reporma. Isa si Eleazar sa magiging pambato sa Senado ni Lacson at ka-tandem nitong si Sen. Tito Sotto para sa Mayo 2022. Nang magreretiro na si Eleazar bilang PNP chief ay ipinabatid ni Sotto na kinukumbinsi nila ito na sumama sa kanilang partido. At kamakalawa nga ay kinumpirma ni Lacson na pumayag na si Eleazar na maging senatorial candidate ng Partido Reporma.

Si Eleazar ay isa sa mga naging popular na hepe ng pulisya sa ilalim ng administrasyon Duterte. Hindi lamang taumbayan ang bilib kay Eleazar kundi pati na ang mga kapulisan kaya hindi naman kataka-taka na positibo ang hatid nito sa sinumang partido. Kumbaga, makakatulong ang popularidad ni Eleazar para mailapit pang lalo sa taumbayan ang tambalang Lacson-Sotto o kahit pa nga sinong tandem ang kanyang sinamahan.

Mahirap naman kasing tawaran ang ipinakitang pagseserbisyo ni Eleazar sa PNP dahil ipinakita niyang isa siyang tunay na lider. May isang salita, maaasahan, may malasakit sa pangkaraniwang mamamayan at ipinaglalaban ang katotohanan. Ipinakita ni Eleazar na siya ay walang kinikilingan. Pinanindigan niya ang kanyang polisiya na ang tama ay tama, ang mali ay mali.

Kapag may mga pulis na gumagawa ng kawalanghiyaan, hindi sila kinampihan o kinunsinti ni Eleazar. Sa halip agad nitong pinauumpisahan at pinipirmahan ang dismissal proceedings kapag napatunayang may ginawang krimen ang isang pulis. At kapag pulis naman ang gumagawa ng kabutihan ay ipinaparamdam ni Eleazar na sobrang proud siya sa mabuting pulis at may pagkakataon pang personal niya itong pinupuntahan para kilalanin at parangalan.

Sa ganitong paraan nakuha ni Eleazar ang tiwala ng mga pulis at ng taumbayan.

Bilang dating pulis, napatunayan ni Eleazar na napakalaki ng papel ng peace and order, ng kaayusan ng isang bansa para makamit ang hinahangad na progreso. Nakita niyang kapag walang peace and order, wala ring asensong aasahan. Kaya naman tiyak nating pagdating sa Senado ay malaki ang magagawa niya para makalikha ng mga batas na tunay na mapapakinabangan ng lahat.

Kung nabitin tayo dahil anim na buwan lamang na naging PNP chief si Eleazar, maaaring madugtungan ito pagdating ng Mayo 2022. Kung isang senador na may paninindigan, mulat sa kahalagahan ng peace and order at kakampi ng hustisya’t katotohanan ang ating hanap, hindi masamang ikonsidera si Eleazar. Tiyak naming hindi masasayang ang silyang ibibigay natin sa kanya sa Senado.

The post Eleazar may malaking maiaambag sa Senado first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments