Napakapalad po ng Maynila dahil nitong nakalipas na linggo ay nagdatingan na ang dalawang bagong uri ng medisina na inorder namin ni Vice Mayor Honey Lacuna ilang buwan nang nakalilipas, sa layuning makapagligtas ng maraming buhay habang nananatili ang COVID-19.
Unang dumating ang 40,000 capsules ng Molnupiravir, na sinundan ng 6,600 tablets ng Baricitinib na, gaya ng aming ginawa sa aming mga biniling Remdesivir at Tocilizumab, ay amin ding ipinamimigay nang libre sa mga nangangailangan nito, ke taga-Maynila man sila o hindi dahil ang aming focus dito ay makapagligtas ng buhay. Yun lang.
Labis akong nagpapasalamat sa Food and Drug Administration (FDA) sa pagpayag na makakuha ang Maynila ng compassionate special permit (CSP). Kahit pa may pambili ka ng Molnupiravir, hindi ito madaling makuha dahil ang nagbibigay nito ay dapat na mayroong CSP. Ang nasabing produkto ay kailangang dumaan sa FDA at ang pagbibigay nito ay ginagawa ng mga ospital na may CSP. Ganito rin ang aming ginawa sa Remdesivir at Tocilizumab. Ang FDA ay nagkaloob sa pamahalaang-lungsod ng 200mg Molnupiravir treatment para sa 200,000 capsules na ibig sabihin, ang Maynila ay maaring bumili muli anumang oras sa oras na maubos ang paunang stocks nito ng 40,000 capsules. Ang naturang anti-viral drug ay unang anti-COVID medicine na inaprubahan bilang ‘oral’ medicine o isinusubo na lamang at maari ding iuwi, di gaya ng ibang inaprubahan dati na iniiniksyon ng healthcare professionals. Kami ay nagagalak at kuntento na nakapagsisilbi kami sa mga nangangailangan ng mga nasabing gamot at sa katunayan ay nakaabot na kami sa malalayong probinsiya. Walang katapat na halaga kapag alam mong may buhay kang nailigtas.
Ang mga gamot na binibili ng lungsod ay hindi lamang mahirap hagilapin kundi mahal pa, laluna kung magmumula sa mga pribadong ospital. Kaya naman ako ay nananawagan sa mga doktor at health frontliners na sabihan ang kanilang mga pasyente na maari silang makahingi ng libreng Molnupiravir at Baricitinib, sa pamamagitan lamang ng pagsunod sa tatlong simpleng requirements: doctor’s prescription, RT-PCR na may positive result at a photocopy ng valid ID ng pasyente at ng kanyang kinatawan. Gayunman, nariyan pa rin ang aming panalangin na sana ay hindi kami makatanggap ng ganitong mga request dahil ibig sabihin, walang may COVID.
Ang mga nais na makakuha ng libreng gamot na aking nabanggit ay maaring makipag-ugnayan lamang kay Dr. Arnold ‘Poks’ Pangan at Dr. Ed Santos, hepe at assistant head ng Manila Health Department, respectively. Ito ang isa sa mga bentahe ng pagkakaroon ng doktor bilang partner sa trabaho. Si Vice Mayor Honey Lacuna ay walang sawang gumagabay sa inyong lingkod para sa lahat ng hakbanging nararapat gawin ng pamahalaang-lokal na nauukol sa pandemya.
Mula umpisa ng pandemya ay amin nang ipinatutupad ang “policy of inclusivity” kung saan lahat ng serbisyo ng lungsod ay ibinibigay din nang libre sa mga hindi taga-Maynila gaya ng libreng swab testing, quarantine facilities, mass vaccination, hospitalization at maging ang mga mamahaling gamot panlaban sa COVID.
Ang lungsod ng Maynila ay mapalad na nabibiyaan ng hindi mabilang na mabubuting taong nagtitiwala, sumusuporta at tumutulong sa pamamagitan ng donasyon, mula dito sa Pilipinas at sa ibang bansa
Bilang pasasalamat ay nagbibigay naman ay Maynila ng tulong sa mga hindi taga-Maynila. Wala nang gaganda pa sa marunong kang mag-share ng iyong mga biyayang tinatamo, gaya ng inaasahan din natin na tutulungan ng ibang lungsod at munisipalidad ang mga Batang Maynila sakaling kailanganin natin ito.
Gaya ng palagian kong sinasabi, lahat ay ‘welcome’ at aming yayakapin sa Maynila hangga’t kaya, lalupa kung ito ay mangangahulugan ng ilang buhay na maliligtas.
***
Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ding mga Batang Maynila. Manila, God first! ***
Maari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang-lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbisita sa aking kaisa-isang lehitimong Facebook account— ‘Isko Moreno Domagoso.’
0 Comments