Lumulubha na ang epekto ng e-sabong

Palubha ng palubha ang masamang epekto ng e-sabong na humantong na ngayon sa pagpapakamatay at natutuksong magnakaw.

Kailan pa kaya kikilos ang gobyerno partikular si Pangulong Duterte na ngayon ay masamang epekto na ang tama nito sa lipunan.

Bukod sa mga naunang ulat na menor de edad na naaadik sa sa e-sabong ay mayroon ding umamin na napilitang magnakaw ng computer dahil nabaon sa utang sa online sabong .

Ang pinakahuling insidente ay ang pagpapatiwakal ng isang ama ng tatlong bata sa Pampanga dahil sa nalubog sa utang dahil sa e-sabong.

Kaya naman ang mga dating lokal na opisyal ng Pampanga na sina dating congressman at vice governor Yeng Guiao at dating Candaba Mayor Jerry Pelayo ay nananawagan na rebyuhin na ang e-sabong dahil sa masamang epekto ang dulot nito sa lipunan.

Ayon sa pangyayari sa Pampanga ay napilitang ipagbili ang ilang ari arian ng isang naadik sa e-sabong upang mabayaran ang utang na P600,000 pero dahil sa adik na ito sa e-sabong ay muling nagsugal at umabot na sa P800,000 ang utang kaya napilitan umanong magpakamatay at naiwan ang tatlong anak na musmos.

Mismong si Presidential aspirant Senator Ping Lacson ay nagpahayag na kung siya ay mananalo bilang Pangulo ay kaniyang ipapatigil ang e-sabong dahil nga sa epekto nito sa lipunan.

Kahit pa sabihing maaprubahan ng Kongreso na pagbabayarin ng buwis ay hindi sasapat sa masamang epekto nito sa lipunan.

Sana sa lalong madaling panahon ay kumilos na si Pangulong Duterte ay agad niyang ipatigil ang kasalukuyang operasyon ng e-sabong na namamayagpag sa ibat ibang panig ng bansa.

Muli bang maghihintay tayo na marami pa isidente na mapilitang magnakaw o gumawa ng iba pang krimen at magpatiwakal dahil lang sa epekto ng e-sabong? Sana naman ay huwag na at may kapangyarihan ang Pangulo na ipagbawal na ang operasyon ng e-sabong .

Hindi pa huli ang lahat para ipatigil ang operasyon ng e-sabong at huwag na ring aksiyunan at pagtibayin sa Senado ang panukalang pagbibigay ng prangkisa sa online sabong na limpak limpak ang kinikita ng operator nito.

The post Lumulubha na ang epekto ng e-sabong first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments