Hinding-hindi puwedeng kalimutan ng mga nagtatrabaho sa isang malaking ahensiya ang kasupladuhan ng isang male personality. Hindi raw imbento lang ang istorya, totoong-totoo, dahil kahit sila ay nabiktima ng kaangasan ng aktor.
Naturalesa na nga siguro ‘yun ng lalaking personalidad dahil halos lahat ng nakakatrabaho niya ay isa lang ang sinasabi, suplado siya, period.
At nu’ng panahong makatrabaho nila ang male personality ay walang-wala pa siyang maipagmamalaki, isa lang ang pagkakilala sa kanya ng publiko, boyfriend siya ng isang sikat na female personality.
Kuwento ng aming source, “At ‘yong relasyon nila, e, ayaw pa ngang paniwalaan, di ba? Fake lang daw ‘yon, pakitang-tao lang, hindi totoo. ‘Yon lang ang identity niya nu’n!
“Pero kung makaasta nga ang male personality, e, akala mo na siya kung sino. May kayabangan, kahit ang mga nakatrabaho niya nu’n sa paggawa ng TVC, hindi makakalimutan ang kaangasan niya!” unang rebelasyon ng aming impormante.
Hindi siya nambabati ng mga katrabaho. Piling-pili lang ang kinakausap niya. Kapag alam niyang may mataas na posisyon sa ahensiya ang ipinakikilala sa kanya ay ‘yon lang ang pinakikitunguhan niya nang maayos.
Patuloy ng aming source, “Kahit sa PA niya, suplado ang male personality na ‘yon! Sangkatutak na suit at sapatos ang dala-dala niya sa shoot, sobra-sobra sa requirements na ibinigay sa kanya ng production.
“Yes! Para siyang maglilipat-bahay! Sabi niya sa PA niya, ‘Nilinis mo na ba ito? Bakit maraming bakas na hindi pa?’ Sapatos ang sinasabi niya, Ipinalinis niya uli ‘yon sa PA niya!
“Ang nakakatawa, e, hindi naman kukunan ang sapatos niya! Shampoo commercial ang ginagawa niya, puro ulo niya ang kukunan! Maangas siya!” komento uli ng aming source.
Ang pinakagustong katrabaho ng mga taga-ahensiya ay ang kilalang male personality na mabenta sa TVC. Meron itong sikat na ina, may sariling maipagmamalaki na rin ang male personality, pero mabait ito at maganda ang PR.
“Walang-wala ang male personality na ‘yon kay ____(pangalan ng male personality), very nice siya, ma-PR, walang kaangasan! Lagyan natin ng X ang pangalan ng mayabang na lalaking ‘yon!” pagtatapos ng aming impormante.
Sharon ‘nilampaso’ si Heart
Nu’ng Biyernes nang gabi ay si Sharon Cuneta ang laman ng kuwadro bilang cliffhanger ng seryeng Ang Probinsyano. Wala pang dialogue ang Megastar, ngayong gabi pa lang maririnig ang kanyang boses, makikilala na ng manonood kung sino talaga si Aurora.
Du’n pa lang ay nagpista na ang mga tagasuporta ng Megastar, ang mga dating tumututok sa seryeng pinagbibidahan ni Heart Evangelista ay naglipatan na, Ang Probinsyano na ang pinanonood ngayon.
Enjoy na enjoy si Sharon sa serye, ramdam na ramdam sa kanyang posts ang kaligayahang makita uli ang mga kasamahan niyang artista, lalo na ang malalapit sa kanyang puso.
Hanggang sa susunod na buwan pa ang break ni Sharon para sa unang sultada ng kanyang lock-in taping. Nagpapasalamat siya dahil may Face Time na ngayon, nagkakausap sila ng kanyang asawa at mga anak na nakikita ang bawat isa, dahil kung hindi ay siguradong inaatake na siya ng melangkolya.
Malaki talaga ang pagbabagong hatid ng pandemya sa mga artista, doble ang kanilang pagtitiis, kailangan nilang sumunod sa mga health protocols para sa kaligtasan nilang lahat.
Matagal din silang hindi nakakauwi, kailangan nilang tapusin ang mga nakaplantilyang eksena para sa lock-in, dusa ang pagtatrabaho ng mga artista ngayon.
May isang male personality na tumakas sa lock-in, sa kanyang pagbalik ay hindi na ito tinanggap ng produksiyon, pinatay na lang ang kanyang papel sa kuwento.
Ganu’n kahigpit ang mga produksiyon ngayon, isa lang ang mapatunayang positibo sa virus ay kailangang ihinto ang trabaho, napakalaking gastos ang hatid nu’n sa produksiyon.
Sabi ni Sharon ay tiis-ganda ang mga artista ngayon, walang malaki at maliit na personalidad, lahat ay kailangang sumunod sa pinaiiral na batas ng produksiyon.
The post Male personality ekis sa kayabangan first appeared on Abante Tonite.
0 Comments