Seryosohin ang pag-aaral

Nitong Sabado, pansamantalang sinuspinde ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pagproseso at pagpapadala ng newly-hired household service workers (HSWs) sa Kingdom of Saudi Arabia.

Ang hakbang na ito ay bunsod ng pang-aabuso sa mga Pinay worker ng isang retiradong heneral sa Saudi Arabia. Iba’t-ibang pangalan ng employer ang nilagay din umano sa employment contract ng mga HSW.

Nagpalabas na si DOLE Secretary Silvestre Bello III ng memorandum para atasan ang Philippine Overseas Labor Offices (POLO) na pansamantalang itigil ang berepikasyon ng mga newly-hired domestic workers.

Hindi na bago ang mga ganitong balita sa pagmamalupit ng mga dayuhang employer sa ating mga kababayan. Noong ako ay nagko-cover pa sa DOLE, Philippine Overseas Employment Administration (POEA) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), sangkatutak na ang naisulat kong istorya hinggil sa Pinay na inabuso ng kanyang employer.

Nagkaroon din ako ng pagkakataon na mabisita ang United Arab Emirates (UAE), Qatar at Bahrain kaya personal kong nakita ang mga Pinay na nanunuluyan sa mga shelter house ng POLO matapos tumakas sa kanilang amo. Sila yung nakaranas ng pananakit, verbal abuse, hindi tamang pagpapasuweldo, minolestiya o ginahasa.

Marami sa kanila, gustong makauwi agad sa Pilipinas pero hindi ganun kadali ang proseso kaya nagtatagal sila sa shelter house na kung minsan ay inaabot ng taon.

Hindi naman kalakihan ang sinasahod nila sa abroad dahil mas malaki pa ang sinasahod ng isang call center agent sa Pilipinas kung tutuusin. Pero dahil sa wala silang makuhang maayos na trabaho sa bansa, napipilitang silang magtrabaho sa abroad.

Mayroon akong mga kakilalang nagbabalak na magtrabaho sa Saudi Arabia. Pasang awa sila sa high school dahil hindi nagseryoso sa pag-aral. Hindi rin sila nakatunton sa kolehiyo dahil mahirap lang ang kanilang magulang kaya maagang napasabak sa pagtatrabaho sa fast food restaurant. Maliit na nga ang kinikita sa trabaho, maaga pang nagkaroon ng pamilya kaya lalong nabaon sa buhay.

Ang pinsan naman nila, naging seryoso sa pag-aaral sa high school at nakatuntong sa kolehiyo na pinapatakbo ng city government. Kahit college level lamang, nakapagtrabaho sa BPO at may maayos na pamumuhay na ngayon.

Naikuwento ko ito dahil kung ang bawat Pinoy ay seryoso sa kanilang pag-aaral, hindi na nila kailangan pang mag-abroad para makahanap ng trabaho. Hindi naman sa minamaliit natin ang mga overseas Filipino worker dahil sila ang maituturing nating mga bagong bayani.

Pero kung nakatapos ka ng pag-aaral, ito na ang iyong magiging puhunan sa buhay, magtrabaho ka man sa Pilipinas o sa abroad.

The post Seryosohin ang pag-aaral first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments