Lumahok sa protesta ang mahigit sa 3,000 residente ng Sual, Pangasinan nitong Linggo upang tutulan ang P500 milyong loan ng Sual local government unit (LGU) na pinamumunuan ng kanilang alkalde na si Mayor Dong Calugay.

Sa kanilang pagtutol, ayon kay Brgy. Caoayan Kagawad Leeward Caburao, ang Sual ay isa sa ‘Top 5 richest municipalities’ sa buong Pilipinas. Kaya hindi na aniya kailangan pang umutang ng nasabing bayan para makagawa ng maliliit na proyekto.

Banggit ng kagawad, hindi sila titigil sa pagra-rally kapag ipinagpatuloy ng Sual LGU ang pag-utang. Dagdag niya, bakit pa iginigiit ng LGU ang nasabing loan gayong hindi na rin nito maipatutupad ang mga proyekto dahil malapit na ang eleksiyon 2022.

Samantala, sinabi naman ni Janet Torreno ng Brgy. Siaosiao West, Sual, ang P500-milyong loan ay may annual interest na 5 porsiyento na katumbas ng P25 milyon kada taon.

Ayon pa kay Torreno, hanggang ngayon ay hindi pa rin umano nailalabas ang hinahanap nilang P495 milyon na pondo para sa mga proyekto ng 2019. Aniya pa, ang nabanggit na pondo ay para sana sa proyekto ng administrasyon ni dating Mayor Bing Arcinue na hindi aniya ipinatupad ng administrasyon ni Calugay. (Allan Bergonia)

The post Mga taga-Sual pinalagan P500M utang ng LGU first appeared on Abante Tonite.