Ministro nirapido sa palengke

Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang lay minister ng nag-iisang gunman sa loob ng isang palengke sa Cebu City nitong Linggo ng hapon.

Sa report ng Pardo Police Station, ang biktima ay nakilalang si Danilo Vestil Bacalso, 68-anyos, ng Sitio Colo, Barangay Inayawan ng nasabing siyudad.

Batay sa inisyal na report, nangyari ang pamamaril sa biktima bandang ala-1:00 kamakalawa ng hapon sa loob ng Inayawan Public Market sa Brgy. Inayawan.

Sinabi ng pulisya, naglalakad umano ang biktima sa loob ng pamilihan nang biglang sumulpot ang hindi pa nakikilalang salarin mula sa kanyang likuran at walang habas siyang pinagbabaril sa ulo at iba pang bahagi ng katawan na sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.

Agad na tumakas ang suspek mula sa hindi pa malamang direksyon dala ang baril na ginamit sa krimen.

Iniimbestigahan na ng Pardo Police ang isang umano’y drug personality, na inaresto kamakailan, bilang person of interest sa pagpatay sa ministro.

Nakatanggap umano ang pulisya ng impormasyon na bago ang insidente, tinawag ng biktima ang atensyon ng isang drug personality sa kanilang sitio at binalaan ito na hahayaang maaresto dahil sa mga iligal nitong aktibidad. (Dolly Cabreza/Allan Bergonia)

The post Ministro nirapido sa palengke first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments