
Binigyan ng United Nations Children’s Fund (Unicef) ang Pilipinas ng 5 star rating dahil kabilang ito sa mga bansa na mayroong mataas na kahandaan para sa remote o distance learning.
Kasama ng Pilipinas ang Argentina, Barbados at Jamaica sa mga binigyan ng 5 star na pinakamataas sa Remote Learning Readiness Index (RLRI).
Ayon sa Unicef, mayroong “strong policy response” ang apat na bansa para sa remote learning sa halos lahat ng education level na sinusuportahan umano ng high emergency preparedness gayundin ang pagsuporta ng mga sambahayan (household) sa remote learning.
“Argentina, Barbados, Jamaica and the Philippines all received five starts, the highest score in the RLRI,” ayon sa Unicef report.
Nagpahayag naman ng kasiyahan ang Department of Education (DepEd) sa pagkilala ng Unicef at papuri sa mga guro, magulang, mag-aaral at iba pang stakeholder para maisakatuparan ang Basic Education-Learning Continuity Plan.
Ayon sa DepEd, mahigit 27 milyong estudyante ang nakapagpatuloy ng kanilang pag-aaral habang binibigyan ng prayoridad ang kalusugan at kaligtasan ng mga ito sa gitna ng kinakaharap na pandemya ng COVID-19.
Binigyang-diin naman ng Unicef na unang hakbang pa lang ang iskor na 5 star at dapat tiyakin pa rin ng mga bansa na makapagpapatuloy sa kanilang edukasyon ang mga kabataan sa pamamagitan ng remote learning program. (Juliet de Loza-Cudia)
The post `Pinas, 3 bansa pa pinakahanda sa distance learning – Unicef first appeared on Abante Tonite.
0 Comments