Rider 2 beses nabangga, todas

Matapos masagi ng isang sasakyan, nabundol pa ng isang pampasaherong jeepney ang minamanehong motorsiklo ng isang 32-anyos na rider sa Noveleta, Cavite, Linggo ng umaga.

Isinugod pa sa Divine Grace Hospital ang biktimang si Randolf Del Mundo subalit idineklarang dead on arrival.

Habang kinilala naman ang driver ng isang Nissan Navara (NEA6782) na minamaneho ni Ramon Rabino Jr., 34, at isang pampasaherong jeepney (DXR128) na minamaneho ni Jerrick Cauinian, 30.

Sa ulat ni P/SSgt. Rodel Abutin ng Noveleta Police Station, sakay ang biktima ng kanyang motorsiklong Yamaha Mio habang binabagtas ang kahabaan ng Manila-Cavite Road, sakop ng Brgy. San Rafael 3, Noveleta dakong alas-10:30 kamakalawa ng umaga patungo sa direksyon ng downtown proper nang masagi ng kaliwang bahagi ng Nissan Navara ni Rabino ang motorsiklo nito.

Dahil sa insidente, tumilapon ang katawan ni Del Mundo sa kabilang bahagi ng kalsada at nabangga naman ng isang paparating na pampasaherong jeepney na minamaneho ni Cauinian. (Gene Adsuara)

The post Rider 2 beses nabangga, todas first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments