Mag-ama nilamon sa Daet beach

Patay ang mag-ama matapos malunod sa Bagasbas beach sa bayan ng Daet, Camarines Norte kamakalawa.

Base sa ulat ng Police Community Precinct (PCP) 2 ng Daet Municipal Police Station (MPS), kinilala ang mag-amang biktima na sina Galo Mantanez, 58-anyos, at anak nitong si Jayson, 21, kapwa residente ng Zone-3, Brgy. San Agustin, Pili, Camarines Sur.

Nabatid na alas-10:00 ng umaga nitong Martes nang maligo ang mag-ama sa Bagasbas beach na matatagpuan sa Purok 3, Brgy. Bagasbas Beach, Daet Camarines Norte.

Napag-alaman na nalibang ang mag-ama sa paglangoy at hindi nila namalayan na napunta na sila sa malalim na bahagi ng dagat dahilan upang higupin sila ng malakas na current sa ilalim ng tubig.

Nasaklolohan pa ang matandang Montanez na agad dinala sa Camarines Norte Provincial Hospital ngunit idineklara na rin itong dead on arrival.

Samantala patuloy ang search and retrieval operation ng pinagsanib na puwersa ng PNP, MDRRMO at Philippine Coast Guard para mahanap ang katawan ni Jayson. (Edwin Balasa)

The post Mag-ama nilamon sa Daet beach first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments