Iminungkahi ng isang doktor na kung maaari huwag muna umuwi sa Pilipinas ngayong holiday season ang mga Pilipinong nasa mga bansa na mayroong kaso ng Omicron variant.
Sa panayam ng Abante Radyo, sinabi ni Dr. Butch Ong ng OCTA Research, batid niya ang pinagdadaanan ngayon ng mga Pinoy na nais umuwi sa bansa dahil sa paghihigpit sa mga biyahero hindi lamang sa Pilipinas kundi sa mga bansang dadaanan nila kaya mas mabuting manatili muna sila kung saang bansa naroon ngayon.
Ito’y dahil sa posibilidad na makalusot aniya papasok sa Pilipinas ang Omicron varianht mula sa mga uuwing overseas Filipino worker (OFW).
“So for now na hindi pa klaro ang Omicron na ito, hindi pa sigurado kung ano ang magiging trend na ito, mag-ingat na lang muna tayo and perhaps stay put na lang muna tayo sa mga kinalalagyan nating mga bansa bago tayo umuwi. I-clear out muna natin kung ano talaga itong Omicron na ito,” ayon kay Dr. Ong.
Wala pa aniya makapagsabi kung mabagsik ba o hindi ang bagong variant ng COVID-19 kaya lahat ay naghihintay sa ginagawang pag-aaral ng mga eksperto.
“Hindi pa alam sa ngayon ang epekto ng Omicron variant. Sa naririnig natin mild lang `yong kaso sa ibang bansa, but we don’t know if it will further mutate later on so we still need to study it more,” dagdag ni Dr. Ong.
Bagamat bumaba na ang mga kaso ng COVID sa bansa, sinabi ni Ong na kailangan pa ring mag-ingat ang publiko para makasiguro ng ligtas at masayang Pasko.
99 OFW stranded sa Omicron
Nasa sa 99 OFW ang stranded umano dahil sa paghihigpit sa mga biyahero sanhi ng banta ng Omicron variant.
Batay sa pinakahuling monitoring ng Department of Foreign Affairs (DFA), may 50 Pinoy sa Europe at 49 pa sa South Africa ang stranded mula nang ianunsiyo ng pamahalaan ang mga bansa na nasa red list kontra Omicron variant.
“(T)his is a little bit complicated so we need the cooperation of our kababayans because they have to transfer from one country to another to be able to join the repatriation flight,” pahayag ni Foreign Affairs Undersecretary Sarah Lou Arriola sa Laging Handa public briefing.
Karamihan aniya sa mga natenggang OFW ay bahagi ng Bayanihan special repatriation flight. Subalit dahil hindi ganoon karami ay isasakay aniya ang mga ito sa commercial flight para makauwi ng bansa.
Ang mga bansang nasa red list ng pamahalaan ay kinokonsidera na `high risk area’ at hindi muna pinapayagang makapasok sa Pilipinas ang mga biyahero mula ditto.
Hindi saklaw ang mga pauwing OFW na bahagi ng special repatriation flight ng pamahalaan. (Aileen Taliping/Dolly Cabreza)
The post Mga Pinoy abroad inawat pag-uwi first appeared on Abante Tonite.
0 Comments