Hinikayat kahapon ng isang opisyal ng Commission on Elections (Comelec) ang lahat na bumoto sa 2022 local at national elections, kabilang na ang mga hindi pa bakunado laban sa COVID-19.
Sinabi ni Comelec Commissioner Rowena Guanzon na hanggang hindi inuutos ng batas para ma-disqualify, may karapatan ang lahat na bumoto at pumili ng mga nais nilang maging lider ng pamahalaan – bakunado man o hindi.
“Vote even if you are not vaccinated @COMELEC,” giit ni Guanzon sa kanyang Twitter post.
Idinagdag niya na sakaling makaramdam o mayroong sintomas ng COVID ang isang botante, maaari pa rin itong makaboto sa itinakdang isolated polling place at tiyak na mabibilang ang kanyang balota.
Samantala, hindi naman papayagang makalabas para bumoto ang mga naka-quarantine at positibo sa COVID dahil sa peligrong makapanghawa sila at maging sanhi ng pagkalat ng virus.
Ayon kay Guanzon, kailangan munang magpasa ng isang batas ang Kongreso para makaboto ang mga ito sa pamamagitan ng mail. (Mia Billones)
The post `Di bakunado puwede bomoto, naka-quarantine tablado first appeared on Abante Tonite.
0 Comments