Inihayag ng Department of Education (DepEd) na handa na ang dalawang paaralan sa Quezon City para sa pilot run ng limitadong face-to-face classes sa Lunes, Disyembre 6.
Ayon sa DepEd, ang mga lalahok sa limited face-to-face class sa Lunes ay ang Bagong Silangan Elementary School sa Barangay Bagong Silangan, at ang Payatas B Annex Elementary School sa Barangay Payatas.
Ang dalawa ay kabilang anila sa 28 paaralan sa Metro Manila na papayagan nang pumasok ang mga estudyante sa kani-kanilang mga paaralan.
Ikinatutuwa naman ni QC Mayor Joy Belmonte na magiging bahagi ng pilot face-to-face classes ang dalawa nilang pampublikong paaralan kasabay ng pagtiyak sa mga magulang na magiging ligtas ang kanilang mga anak, maging ang mga guro, sa kanilang pagbabalik-eskuwela.
Una rito ay personal na ininspeksiyon ng alkalde, kasama ang Department of Building Official, Schools Division Office, City Epidemiology and Surveillance Unit, at Education Affairs Unit upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral na magbabalik-eskuwela sa nabanggit na eskuwelahan sa lungsod. (Dolly Cabreza)
The post QC iskul atat na sa face-to-face class first appeared on Abante Tonite.
0 Comments