Nahinto ang pag-arangkada ng mga tren ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) nitong Linggo, Enero 23, dahil sa ginawang pag-upgrade ng kasalukuyan nitong signalling system.
Ayon sa Light Rail Manila Corporation (LRMC), ang private operator at maintenance provider ng LRT-1, nagsagawa ng serye ng mga test run at mga trial run sa LRT-1 upang matiyak ang kahandaan nito sa bagong signalling system.
Nabatid na ang railway signalling o traffic light system para sa railway ay isang sistema na ginagamit para idirekta ang railway traffic at tiyaking hindi magkakabanggaan ang mga tren sa lahat ng pagkakataon, para sa maayos at ligtas na operasyon ng mga ito.
Kinakailangan umano ang pag-upgrade ng sistema sa bagong Alstom signalling system upang ma-accommodate ang commercial use ng 4th Generation train sets sa existing system, na target na masimulan sa kalagitnaan ng taong 2022.
Inaasahan namang muling magsususpinde ng operasyon ang LRT-1 sa susunod na Linggo, Enero 30, 2022, para ipagpatuloy ang parehong aktibidad. (Dolly Cabreza)
The post Biyahe ng LRT-1 sinuspinde first appeared on Abante Tonite.
0 Comments