BuCor nganga sa 2 pang Bilibid pugante

Bigo ang mga tauhan ng Bureau of Corrections (BuCor) na maibalik sa New Bilibid Prison (NBP) sa loob ng 24 oras ang dalawang Person Deprived of Liberty (PDL) na nakatakas noong Enero 17.

Ayon kay Justice Undersecretary Deo Marco, ito ang kauna-unahang pagkakataon sa nakalipas na limang taon na naging napakahaba ng recovery operation sa pugante.

“Usually kapag may attempts, nare-recover agad within 24 hours. So, ngayon lang mayroong nakalabas after 24 hours, so far, I think sinabi ninyo five years. It’s safe to say [na] within that period, ngayon lang ulit nagkaroon.”

Sinabi rin ni Marco na nakipag-ugnayan na ang BuCor sa Philippine Coast Guard at sa Philippine National Police para sa pagbuo ng tracker teams at pagtunton sa dalawang takas na bilanggo.

Samantala, sa inisyal na imbestigasyon, nalaman na nakaplano ang pagtakas ng mga PDL.

“Pero lumalabas po dito itong tatlo o apat na tao… matagal na pinagplanuhan [ang pagtakas] at walang ibang may alam,” ayon sa Justice official.

“Lumalabas na kumuha ng access ito ng ammunition sa baril if not sa labas, nabaon ito this time,” dagdag niya.

Nabatid na nagpatupad na ng balasahan ng mga jail personnel ang BuCor para maiwasan ang pamilyarisasyon nila sa mga preso.

Una nang nagkaroon ng riot sa NBP noong Enero 3 kung saan tatlong preso ang nasawi at 14 iba pa ang nasugatan.

Limang jailguard naman ang sinibak sa puwesto matapos ang nangyaring eskapo. (Juliet de Loza-Cudia)

The post BuCor nganga sa 2 pang Bilibid pugante first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments