Call center agent pumalag sa holdaper, binoga

Inoobserbahan sa Mary Johns­ton Hospital ang isang 25-anyos na call center agent matapos barilin ng isang holdaper nang manlaban, Sabado ng umaga sa Tondo, Maynila.

Habang arestado naman sa follow-up operation ng Manila Police District-Police Station (MPD-PS) 2 ang suspek na si Mikko Doble, 33-anyos, sinasabing miyembro ng Sputnik Gang at taga-Clemente St., Tondo, sa isang eskinita sa fishpond sa Dagat-Dagatan, Maypajo, Caloocan City, alas-12:40 ng tanghali.

Ayon kay P/Lt. Col. Harry Ruiz Lorenzo III, station commander ng MPD-PS 2, alas-6:00 ng umaga, kamakalawa, nang holdapin ng suspek ang biktimang si Christian Balingcasag, isang BPO employee, ng Pacheco St., Tondo.

Nabatid na nasa stable nang kondisyon ang biktima pero inoobserbahan pa rin sa nasabing pagamutan.

Papauwi na sana siya at habang naglalakad sa kahabaan ng Juan Luna St. patungo sa Moriones St. sa Tondo, isang lalaki na nakasuot ng kulay itim na jacket at bullcap, at nakatayo sa tabi ng nakaparkeng motorsiklo ang kanyang nadaanan.

Pagkalampas ng biktima, dito na siya tinutukan ng baril at saka sapilitang inaagaw ang kanyang sling bag.

Nakipag-agawan umano si Balingcasag kaya binaril siya ni Doble hanggang sa makuha ng huli ang sling bag.

Mabilis namang tumakas ang suspek lulan ng motorsiklo na SYM patungo sa Pritil St. sa Tondo at isinugod naman ang biktima sa pagamutan. (Juliet de Loza-Cudia)

The post Call center agent pumalag sa holdaper, binoga first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments