Hindi pa napapanahon para luwagan ang quarantine status sa National Capital kahit bumababa na ang mga bagong kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ayon kay Dr. Maricar Limpin ng Philippine College of Physicians, hindi pa sigurado kung ilan ba talaga ang mga bagong kaso ng COVID sa bansa dahil marami ang hindi pa sumailalim sa virus test.
“I think we have to bear in mind that this number may not be truly reflective of the real COVID cases that we have in the country because many of the people are actually not being tested no, so I still believe that the numbers are still quite high,” pahayag ni Limpin.
Kahapon ay nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 18,191 katao na bagong tinamaan ng virus habang nasa 22,014 naman ang gumaling at 74 ang iniulat na nadagdag sa bilang ng mga nasawi sa COVID.
Iminungkahi ni Limpin na saka na lamang magpasya kung ibababa na sa alert level 2 ang Metro Manila pagdating ng kalagitnaan ng Pebrero para malaman muna ang magiging sitwasyon sa mga kaso ng COVID.
Dagdag pa ni Limpin na naobserbahan din ang pagtaas ng mga kaso ng COVID sa mga probinsya ngayong Enero, partikular aniya sa Visayas at Mindanao.
Nauna nang inalerto ng DOH na sumisirit umano ang mga kaso ng COVID sa ilang probinsya sa Visayas at Mindanao.
Matatapos ang alert level 3 sa NCR sa Enero 31 subalit wala pang anunsyo ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Disease kung ano ang magiging alert level ng Metro Manila pagpasok ng Pebrero. (Dolly Cabreza)
The post NCR alert level 2 inawat ng mga doktor first appeared on Abante Tonite.
0 Comments